169 total views
(Photo by SAC Legaspi)
Pinuri ni Nassa/Caritas Philippines chairman Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang mga nagsidalo sa katatapos 1st Caritas Humanitarian Summit sa Diocese of Legaspi Albay.
Ayon kay Archbishop Tirona, napakahalaga ng ginawang summit ng iba’t-ibang Social Action Centers ng Simbahan maging ang Caritas Internationalis upang mapaghandaan ang mga magaganap na kalamidad sa bansa lalo’t isa tayo sa mga insitutsyon na labis na inaasahan sa mga ganitong uri ng pagsubok.
Iginiit ni Archbishop Tirona na kailangang maging handa ang mga Pilipino, iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan maging ang Simbahan sa pagpasok ng La Niña at pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.
“Alam natin papasok na ang La Niña kaya dapat maging handa tayong mga Pilipino, wag natin sasabihin na sanay na tayo sa bagyo sa sakuna kailangan prepared tayo parati at handang tumulong sa kapwa.”pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa ang Arsobispo ng Nueva Caceres na palagi rin magiging bukas ang bawat isa sa pagtutulungan at pagtugon sa pangangailangan ng kapwa sa oras ng kalamidad.
“Alam mo naman ang Pilipino mahilig tayo makisama at makiisa sa atin mga kababayan kaya naman napakahalaga nito.”dagdag pa ni Arhcbishop Tirona.
Matapos ang isinagawang 1st Caritas Humanitarian Response Summit, isinasapinal na ng Simbahang Katolika ang mas kumprehensibong pagtugon at komunikasyon sa iba’t-ibang mga Diyosesis at parokya sa sandaling may paparating na kalamidad.
Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ng Caritas Philippines, Caritas Manila at himpilan ng Radyo Veritas.
Sa datos ng PAGASA aabot sa humigit-kumulang 20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility kada taon.