172 total views
Napatunayan ng katatapos na 4th Philippine Conference on New Evangelization o PCNE4 na ang communion o pagiging isa ay hindi lamang isang konsepto o ideya sa halip ay isang reyalidad kapag bukas ang bawat isa sa Diyos.
Naniniwala ang kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na magiging mas malawak ang ebanghelisasyon kung ituturing na misyon ng higit anim na libong delegado ng PCNE4 ang pakikipag-isa sa kapwa tao.
“Nakita natin dito sa tatlong araw na pagtitipon na ang communion ay hindi lang pala ideya, hindi lang concept but it’s a reality kitang-kita naman natin, kapag nagbukas ang tao sa Diyos nagiging bukas din sa kapwa at nalilinis ang sarili, ang sarili ay hindi nagsasara kundi lagi ring nakakonekta sa iba. Sana maging tunay na misyon natin ito kung bawat isa may gagawing ganoon hindi laging madali, pero kung anim na libong tao na magsisikap malaki na ang magaganap na evangelization” pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaabot din ni Cardinal Tagle ang kagalakan at pasasalamat sa pagpapaunlak nina Vatican official Archbishop Bernardito Auza, Apostolic Nuncio Permanent Observer of the Holy See to the United Nations at Archbishop Salvatore Rino Fisichella, President ng Pontifical Council for Promoting the New Evangelization sa 3-araw na conference at pagtitipon na isinagawa sa University of Santo Tomas.
Itinuturing ng Kardinal na pagpapakita ng pagpapahalaga sa pagsusumikap ng Simbahan at mga Filipinong Katoliko sa pagpapalaganap ng ebanghelisasyon ang pagdalo ng dalawang opisyal ng Vatican sa isinagawang PCNE4.
“Una parang humble na sila, may mga posisyon sa international level, yung pagparito nila ay pagpapakita na pinahahalagahan yung ating efforts lalo na una si Archbishop Fisichella kasi hawak niya yung New Evangelization sa buong mundo. Tatanungin natin ‘sino ba tayo para puntahan?’ Pero nagpapasalamat siya, sabi niya ‘salamat nalang at naimbitahan niyo ako, nakita ko ang lakas at ang sigla ng Simbahan sa Pilipinas’. Si Archbishop Auza kababayan natin, mahirap din yung kanyang misyon, palagay ko yung pagpunta niya dito hindi lamang para tayo mabigyan ng konting ideya sa misyon niya kundi para makaisa natin siya bilang kapwa Filipino, makasama natin siya at isama niya tayo sa kanyang misyon…”Pagbabahagi ni Cardinal Tagle.
Nagpaabot naman ng paumanhin si Cardinal Tagle sa mga hindi nagbigyan ng pagkakataon na personal na makadalo sa pagtitipon dahil sa limitadong bilang lamang ng kapasidad ng Quadricentennial Pavilion ng U-S-T.
“Nagpapaumanhin kami lalo na dun sa mga gusto pang sumama pero hindi na nabigyan ng pagkakataon kasi sa katunayan lumagpas na nga tayo doon sa limit na hinihingi ng UST para dito sa Pavillion at sa ibang facilities” paliwanag ni Cardinal Tagle.
Tiniyak naman ni Cardinal Tagle na maari pa ring mabalikan at muling mapagnilayan ang mga naganap sa 3-araw na Philippine Conference on New Evangelization sa pamamagitan ng Youtube, TV Maria at Radio Veritas na sinubaybayan at idinukumento ang buong pagtitipon.
Pagbabahagi ng Cardinal, dito papasok at kakailanganin ang misyon ng mga nakadalong delegado upang maibahagi at tunay na maipalaganap ang ebanghelisasyon batay sa kanilang mga natutunan at naranasan sa PCNE4.
“Available sa pamamagitan ng Youtube, sa TV Maria, Radyo Veritas at iba pang reports ang mga proceedings at dito naman papasok yung misyon ng mga naka-attend, kapag umuwi sila sana huwag lang parang mang-iingit kundi talagang ibahagi, ang point i-echo at ibahagi sa kanilang pastoral council, sa kanilang parish priest para hindi lang echo kundi ripples…” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ang 3-day Philippine Conference on New Evangelization (PCNE4) na nagsimula noong ika-28 ng Hulyo at nagtapos noong ika-30 ng Hulyo ay naglalayong mas mapalalim ang pagtingin at pagpapahalaga ng mga mananampalataya sa mga bagong pamamaraan ng pagbabahagi ng Ebanghelyo.
Sa tala ng PCNE4 Secretariat, umabot sa 6,150 ang bilang ng mga delegado mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa at maging sa mga karatig bansa partikular na sa Asya at Estados Unidos.