841 total views
Ang paggunita ng Undas ay upang alalahanin at ipagdasal ang mga yumaong mahal sa buhay at mga santo ng Simbahan.
Ito ang paalala ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa paggunita sa All Saints at All Souls Day sa November 1 at 2.
Ayon sa Obispo, mahalagang maunawaan ng lahat na ang pagbisita sa puntod ng mga yumao ay patuloy na pakikipag-isa sa mga namayapang mahal sa buhay, kaibigan at kakilala.
“Tandaan po natin na itong paggunita natin ng Undas is a way of remembering also our death brothers and sisters na nauna sa atin mga kaibigan, mga kapamilya natin, so going there sa kanilang mga puntod ito po ay pagpapakita ng ating pakikipag-isa.”paalala ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Florencio na ang pakikipag-isa sa mga namayapa at mga santo sa pag-aalay ng panalangin ay pagsasabuhay sa tinatawag na communion of saints o pananatili ng ugnayan sa bawat isa.
“Yung tinatawag nating communion of saints, nakikiisa tayo although nandito pa tayo sa mundong ito but as we pray for them were actually invoke itong communion natin pakikipag-isa sa kanila, kung tayo rin po ay lumisan sa mundong ito we know that somebody will pray for us.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Binigyang diin ng Obispo na bukod sa patuloy na pakikipag-isa sa mga yumao at mga santo ay paalala din ang Undas sa panawagan ng Simbahan sa bawat isa na maging banal.
Sinabi ni Bishop Florencio na ang mga santo na nasa piling na ng Panginoon ay nagsisilbing tagapamagitan ng bawat isa sa Diyos.
“Itong Undas na ito mayroon din tayong isang araw diyan to pray for all the saints yung mga banal, ibig sabihin ito ay isang paunawa, isang reminder ng Simbahan na ang tawag po sa ating lahat ay maging banal.” Pahayag ni Bishop Florencio.
Kabilang sa mahigit 10-libong santo ng Simbahan ay ang dalawang Pilipinong Santo na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod na buong kababaang loob na sumunod sa Panginoon at inialay ang kanilang buhay para sa pananampalataya sa Diyos.
Umaasa naman ang Simbahang Katolika na isasabuhay ng mamamayan ang layunin ng Undas na paggunita sa mga namayapa at mga santo sa pag-aalay ng panalangin at pagbisita sa kanilang himlayan para sa ikapayapa ng mga kaluluwa sa purgatoryo.