281 total views
Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga institusyon ng simbahan at non-government organization na paigtingin ang kanilang pakikibahagi sa social media.
Partikular na ang community based at church based media watchdogs.
Ang panawagan ayon kay CBCP Media director Msgr. Pedro Quitorio ay upang labanan ang paglaganap ng mga ‘fake news at maling impormasyon’ lalu na ngayong nalalapit na ang halalan.
“Sana tulad ng Lente, Nassa, community based at church based na mga poll watch dogs, PPCRV. Sana ipasok natin ang problema sa social media sa ating strategy,” ayon kay Msgr. Quitorio.
Magsisilbi rin itong gabay sa mga botante sa pagkilala at sa pagpili ng tamang pinuno ng magsisilbi sa bayan.
“Nais ko sana lahat tayo, ‘yung magandang advocacy punuin ang social media. Kasi ang laban ngayon yung sa political advocacy ang daming lumalabas ay hindi kagandahan. Kaya as part of our advocacy, taasan ang engagement sa social media,” dagdag pa ni Msgr. Quitorio.
Una na ring inihayag ng Commission on Elections ang paggawa ng panuntunan para i-regulate ang social media campaign sa nalalapit na 2019 May elections.
Tiniyak naman ng Comelec na maari pa ring gamitin ng mga pulitiko ang social media sa kampanya subalit lilimitahan ang ilalang pondo para dito.
Mula sa kabuuang 100 populasyon ng bansa, higit sa 60 milyong Filipino ang aktibo sa paggamit ng social media.