382 total views
Mahalaga ang ugnayan ng Simbahan at komunidad sa pagpapatatag ng epektibong community based drug rehabilitation program.
Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Tony Labiao, Vicar-general for Pastoral Affairs ng Diocese of Novaliches sa naging istratehiya ng diyosesis sa pagpapalakas sa programa nitong nagbibigay suporta at gabay sa mga drug users.
Paliwanag ng Pari, mahalaga ang matatag na ugnayang ng Simbahan, barangay at ng mga pulis upang mas maging epektibo ang programa na ipinagkakaloob sa mga drug surrenderers na nagnanais na makapagbagong buhay.
Bukod dito, naniniwala rin si Fr. Labiao na mas magiging sustainable at magpapatuloy ang programa kung may malawak na pagtisipasyon ang bawat sektor sa buong pamayanan.
“Nagbuo kami ng management team para sila yung mangasiwa doon sa rehabilitation program ng mga drug users community based, ito yung produkto ng aming ugnayan sa barangay inexpand namin kasama na ang pulis tapos para merong mobilization talaga ng mga iba’t ibang volunteers stakeholders sa community para sila ang maging responsible sa pagpapatakbo ng programa kasi we believe we need to have to sustain and continue the program and its good to establish really into the local level…” pahayag sa Radio Veritas.
Nakapaloob sa kasalukuyang Community Based Drug Rehabilitation Program – Abot Kamay Alang-alang sa Pagbabago (CBDRP-AKAP) ng Diocese of Novaliches ang apat na aspekto para sa rehablitasyon ng mga susukong sangkot sa ilegal na droga sa kanilang lugar.
Kabilang ang kahalagahan ng pamilya; pangkabuhayan; spirituality at psycho-social intervention.
Katuwang ng Diocese of Novaliches sa naturang programa ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, ang Quezon City Police Department at ang mga opisyal ng bawat barangay.
Sa tala nasa 500 na ang natulugan ng programa.
Tiniyak ni Father Labiao na masusing sinusubaybayan ng Diyosesis of Novaliches ang mga surrenderees sa kanilang rehabilitasyon upang mabigyan ng pagkakataong gumaling at makapagbagong buhay.