265 total views
Sa kabila ng pagkakasangkot ng mga pulis sa mga pagpaslang sa kampanya kontra droga, inilunsad ng Center for Family Ministries o CEFAM isang petition paper na nangangalap ng lagda ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na sumusuporta sa pagkakaroon ng community-based rehabilitation bilang tugon sa problema ng bansa sa illegal na droga.
Ang “The Lost Sheep Initiative” sa pakikipagtulungan ng Bishops-Businessmen’s Conference for Human Development at Center for Family Ministries ay binubuo ng mga opisyal ng simbahan, mga pari, negosyante at mga layko na naglalayong i-angat ang karangalan ng mga pulis sa kabila ng nangyayaring pagpaslang.
Ayon kay Father Ted Gonzales ng CEFAM, naniniwala ang grupong “The Lost Sheep Initiative” na hindi lahat ng pulis ay sangkot sa pagpaslang o sa mga extra-judicial killings sa war on drug ng pamahalaan.
Tiwala ang grupo na ang pagtutulungan ng bawat sector ng lipunan ang mabisang paraan para labanan ang illegal na droga sa bansa.
“We were invited to address the PNP, we talked to some of the leaders of the police. We had the chance to present to them together with the DOH, PDEA at yung nasa community based. Tapos pinakita namin sa kanila na kapag may magandang rehab program there is a lot of empowerment sa mga parokya at ibang sector, na kapag may nagtutulungan di-kailangang pumatay.” Pahayag ni Father Gonzales sa Radio Veritas.
Unang lumagda sa petisyon si Police Chief Inspector Byron Allatog ng Bogo City, Cebu kabilang ang may 50 mga pulis mula sa Quezon City, Manila, Caloocan at Mindanao sa isinagawang 2nd Conversations on Recovery and Resilience Forum na dinaluhan din ng ilang LGU’s, kinatawan ng Department of Health, DSWD at DOLE.
Bahagi ng petisyon: We, the men and women of the Philippine National Police, declare our support for community-based drug rehabilitation as a critical intervention in the war on drugs and in fact, one of the pillars of “Oplan Double Barrel” from the start. There is evidence that it results in both a reduction of drug-related deaths and eventual declaration of communities as drug-free. We enjoin the rest of our colleagues to stand with us, To Serve and Protect with Honor and Justice.”
Ang hakbang ay bilang pagpapatunay na mahalaga ang intervention at rehabilitation sa mga drug dependents at pushers para sa kanilang pagpapanibago at maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng lipunan.
Sinabi ni Father Gonzales na inamin ng ilang police officials na may pagkukulang sa programa kontra droga kabilang na dito ang spiritual aspects kaya’t dapat na maging katuwang ang Simbahan.
“We admit sabi nila na kailangan namin ng tulong sa inyo. At maganda na nandito kayo at maging partners. So parang ang simbahan kailangan magtulungan kaya doon nakita na if there’s a good vision and everyone is involve,” paliwanag pa ni Fr. Gonzales.
Dagdag pa ni Fr. Gonzales, may ilang lalawigan na rin sa bansa ang nagsasagawa ng community-based rehabilitation kung saan tinatanggal na rin ang mga pangalan ng mga drug addicts sa listahan sa sandaling matapos ang 6 months program, pagsailalim sa drug test at sertipikasyon na mula sa DOH.
Umaasa din ang grupo na ang hakbang ay mas lumawak pa nang sa gayun ay matapos na rin ang mga insidente ng pagpaslang tulad ng nangyari sa estudyanteng si Kian Delos Santos na sinasabing pinaslang ng 3 pulis sa Caloocan.
“Ang ating goal ay to talk to the majority of police, kasi marami naman ang matino. One step at a time. It’s to give a concept na we can collaborate,” ayon pa sa pari.
Bukod kay Delos Santos, hindi bababa sa 30 mga menor de edad ang nadamay at napatay sa mahigit dalawang taong operasyon ng gobyerno kontra droga.