278 total views
Umaasa ang Archdiocese of Cagayan de Oro na magsisilbing daan ang pansamantalang mga limitasyon at pag-iingat na ipinatutupad ang Simbahang Katolika mula sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 pandemic upang mas mapatatag ang samahan at pananampalataya ng bawat pamilya.
Ayon kay Archbishop Antonio Ledesma – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mutual Relations, bahagi ng mga tagubilin ng arkidiyosesis sa bawat mananampalataya ay ang pagsusulong ng family devotion at pagdadasal ng Santo Rosaryo ng buong pamilya.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na bagamat hindi maaring personal na makadalo sa Banal na Eukaristiya ang mga mananamapalataya ay maaring makibahagi sa Banal na Misa sa pamamagitan ng pakikinig at panunuod sa radyo at telebisyon.
Inihayag rin ni Archbishop Ledesma na isang hamon para sa Basic Ecclesial Communities ang kasalukuyang sitwasyon upang patuloy na magabayan ang bawat mananampalataya sa pagpapalalim ng pananampalataya.
“Sa aming mga memorandum dito yun din ang binibigyan namin ng diin ngayon na you should focus on family devotion and even the family rosary at saka susundin din natin even kung hindi tayo makapunta sa public masses at least over the radio and T.V the public can also join yung mga liturgical services at saka isa ring hamon ito sa mga Basic Ecclesial Communities that in smaller group they can still continue to pray and reflect together sa Word of God…“ pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Arsobispo na ipinatutupad rin maging sa Cagayan de Oro ang self community slowdown o quarantine na nagbabawal sa pagkakaroon ng malalaking pagtitipon at pansamantalang suspensyon ng klase ng mga mag-aaral.
Matatandaang ika-12 ng Marso matapos na idineklara ng World Health Organization (WHO) na pandemic ang Coronavirus Disease 2019 ay ideklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte pagtataas ng alert system ng bansa sa Code Red Sub-level 2 kung saan pinalawig sa buong Luzon ang implementasyon ng Enchanced Community Quarantine na magtatagal hanggang sa ika-14 ng Abril.