366 total views
Inihayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos na bunga ng pananampalataya ang pagkakaroon ng mga community pantries sa buong bansa.
Ito ang paglilinaw ng obispo kasunod ng nangyaring red-tagging sa mga nagtatag ng community pantry.
Inihayag ni Bishop Santos na ang paggawa ng kabutihan sa kapwa lalo’t higit sa nangangailangan ay kalugod-lugod sa Panginoon at pagsasabuhay sa utos ni Hesus na magmahalan at magbahaginan.
“It is our act of Faith. With our Faith we do charity, we show compassion and these impel us to act with care and concern, and so we serve and share. That is community pantry is all about, born of Faith, moved by our Faith to offer and to give.,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Matatandaang Abril 20 ng pansamantalang itinigil ang operasyon sa Maginhawa Community Pantry kasunod ng profiling ng Philippine National Police kay Patricia Non, ang nagpasimula ng community pantry.
Binigyang diin naman nina Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at Communications Undersecretary Lorraine Badoy kapwa tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na mga komunista ang nasa likod ng community pantry kaya’t mas mabilis itong lumaganap sa bansa.
Iginiit ni Bishop Santos na ang pananampalataya sa Panginoon ang humikayat sa bawat isa na magtulungan at magbahaginan upang mabawasan ang paghihirap na naranasan ng ilang mamamayan dulot ng pandemya.
“Our Faith to God impels us to do something good, something right and something moral to our fellow men,” giit ni Bishop Santos. Sa kasalukuyan mahigit na sa 300 ang mga community pantries sa buong bansa, ang buhay na diwa ng bayanihan spirit ng mga Pilipino.
Bukod pa rito ang mahigit sa 100 Kindness Stations sa mga diyosesis sa inisyatibo ng Caritas Philippines na sinimulan noong Marso 2020.
Sinabi pa ni Bishop Santos na ang mga nakikiisa sa adbokasiya ng community pantry ay mga bukas ang loob sa pagtulong sa pangangailangan ng kapwa sa kabila ng kanilang sariling pangangailangan.
“Let us see that in those community pantries, are good people who are generous and gracious; that in those people who come and get are in need whom we have to help and serve,” ani Bishop Santos.