321 total views
Umabot na sa 1,201 na Community Pantries sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ang nabiyayaan ng tulong ng Tanging Yaman Foundation.
Ayon sa isa sa mga Board of Director at Founder ng Tanging Yaman Foundation na si Rev. Fr. Manuel “Manoling” Francisco SJ, sa loob ng 10 linggo o mahigit sa 2 buwan ay nakapamigay sila ng 244 na tonelada ng gulay at 93 tonelada ng bigas sa iba’t-ibang mga community pantries na naglalayong makatulong sa mga mahihirap na naapektuhan ng pandemya.
Ibinahagi ni Fr. Francisco ang kanilang pagsusumikap na makatulong sa mga nangangailangan sa NCR+ habang binibigyan din nila ng oportunidad ang mga magsasaka at mangingisda sa iba’t-ibang lalawigan.
“inaangkat natin ang mga gulay ng mga magsasaka na hindi nila maibaba sa Metropolis at natutulungan natin sila sa income nila so dalawang sektor ang natutulungan natin yun mga magsasaka sa kanilang ani at yun mga nagugutom naman dito sa loob ng metro manila.”
Ayon kay Francisco sa panayam ng programang Caritas in Action.
Inihayag ng Pari na nagagalak ang mga natutulungan ng kanilang mga proyekto lalo na’t apektado ng pandemya ang maliliit na sektor gaya ng mga magsasaka, nagtatanim ng gulay at mga mangingisda.
“nagpapasalamat po sila sa mga donors at partners natin kasi halimbawa sabi nga ng mga nagtatanim ng monggo sa Isabela kailangan na nila maibenta itong mga ani nila pambayad ng tuition ng mga anak nila at pambili ng load para sa mga online classes at tuwang tuwa po sila.dahil sa ating alternative food chain gumagalaw yun mga ani at huli ng mga magsasaka at mangingisda natutulungan ang mga pamilya nila ganun din naman napakakain natin ang mga nagugutom sa siyudad”dagdag pa ng Pari na kilala din kompositor.
Umaasa si Fr. Francisco na madami pa ang tutugon sa panawagan na tumulong sa mga nangangailangan lalo na ang mga Kristiyano na nagnanais sumunod sa turo ni Hesu Kristo.
“bilang mga Kristiyano ang tawag sa atin ang paanyaya sa atin tularan ang ating Panginoon i-ambag ang ating mga maliliit na bahagi dahil kapag pinagsama-sama ito marami tayong nalilikom at marami tayong natutulungan gaya ng aming sinasabi sa Tanging Yaman, a little of many becomes much kung kaya’t hindi kailangan maging milyonaryo para makatulong sa mga nagugutom” paalala ni Fr. Francisco.
Patuloy na bukas ang Tanging Yaman Foundation para sa mga tulong at donasyon lalo na’t inaasahan na magsasagawa din ito ng pagtulong sa mga residente ng Batangas na apektado ng pagliligalig ng bulkang Taal.
Ang Tanging Yaman ay unang itinatag ni Fr. Francisco noong taong 1992 bilang isang annual fund raising concert event at kinalaunan ay naging isa nang nonprofit organization sa taong 1996.