336 total views
Nagagalak ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of Philippines (CBCP) sa napapanahong layunin ng mga “community pantry” sa iba’t ibang lugar sa bansa ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara–Southwest Luzon Regional Representative ng CBCP, isang magandang halimbawa at pagpapamalas ng pagmamalasakit at pagtulong sa mga nangangailangan ang sinisimbolo ng community pantry na naglalayong makatulong maging sa simple ngunit sama-samang pamamaraan.
Pinaalalahanan naman ng Obispo ang lahat na patuloy paring mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na safety health protocols upang maiwasan ang patuloy pang pagkalat ng COVID-19 virus.
Sinabi ni Bishop Vergara ba mahalagang patuloy na maging maingat ang lahat lalo na sa iba’t ibang mga COVID-19 variants.
“Maganda pong tanda ng malasakit at pagtulong sa nangangailangan. Kailangan Lang mag-ingat at ang sistema ng strict health protocols para hindi kumalat ang COVID-19 at variants, we should do extra precautions because of the unpredictable intensity and contamination of variants.” mensahe ni Bishop Vergara sa panayam sa Radio Veritas.
Nagsimula ang community pantry sa Maginhawa, Quezon City na bukas para sa lahat kung saan maaring kumuha ang sinuman ng mga pagkain batay sa kanilang pangangailangan habang maaari ding magbigay ang sinuman ng tulong o donasyon ayon sa kanilang kakayahan.