174 total views
Higit nang nakakaapekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao ang muling pagtaas ng kaso ng coronavirus disease sa bansa.
Ito rin ang dahilan ng pagkawala ng tiwala ng mamamayan sa pagsunod sa mga ipinapatupad na alituntunin bilang pag-iingat sa banta ng COVID 19.
Ayon kay Fr. Victor Sadaya, CMF, Executive Director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management and Counseling, nararanasan na ngayon ng mga tao ang “compliance fatigue syndrome” o ang pagkapagod sa patuloy na pagsunod sa health protocols na ipinapatupad ng mga otoridad.
“Understandable [na] ‘yong mga tao ngayon ay may tinatawag na ‘yong compliance fatigue. Pagod na yung mga tao sa kaka-comply kasi dahil nga dito sa nahaharap na banta ng COVID ngayon, naiintindihan naman natin na ‘yung mga tao na ganito ang kanilang reaction,” bahagi ng pahayag ni Fr. Sadaya sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy ng Pari ang pagsunod ng publiko sa mga panuntunan ng pamahalaan tulad ng pabago-bagong community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa, maging sa mga health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield.
Gayunman, ipinaliwanag ni Fr. Sadaya na dapat ding maintindihan ng mamamayan na kailangan talagang seryosohin ang mungkahi ng mga eksperto upang mapanatiling ligtas ang bansa sa virus lalo na sa Delta variant.
Sinabi rin ng Pari na dapat na talagang matanggap ng mga tao ang katotohanang mahirap nang ibalik sa normal ang sitwasyon ng kapaligiran dahil sa patuloy na epekto ng krisis pangkalusugan.
“Magkaroon tayo ng bagong mindset o bagong pananaw na hangga’t maaari, huwag na natin talagang isipin na bumalik sa dati… Kaya nga may tinatawag tayo na ‘new normal’ kasi this virus might really take time,” saad ni Fr. Sadaya.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline, umabot na sa 400 tawag ang kanilang natatanggap kada buwan na nangangahulugan ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nakakaranas ng depresyon sa bansa ngayong pandemya.
Umiiral sa kasalukuyan sa National Capital Region at anim na lalawigan ang General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions na matatapos sa ika-5 ng Agosto.
Habang muli namang isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang NCR simula Agosto 6 hanggang 20.