193 total views
Umaasa si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na gagawin ang planong federal form of government ng administrasyong Duterte sa pamamagitan ng con-con o constitutional convention.
Ayon sa arsobispo, sa ulat na kanyang nakalap, isa ang pagpapalit ng Saligang Batas sa sentro ng SONA o State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo 25 na tugon niya sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Iginiit ni Archbishop Cruz, dating Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), mas maganda ang con-con dahil kasangkot dito ang taong-bayan sa pagbuo ng Chacha o Charter Change na pagpapakita ng demokrasya sa bansa.
“Ewan ko kung ito ay tama, ang pinaka-sentro na tatalakayin ng Pangulo sa SONA niya ay Federalismo na sagot niya sa BBL, kuwestiyon lamang kung magkakaroon tayo ng Federalism, gaganapin ba ito sa constitutional assembly o constitutional convention, pag con-ass siyempre sila-silang mahirap yun, mas maganda ang con-con its more democratic,” ayon kay Archbishop Cruz sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Una nang nagpahayag ng suporta ang CBCP sa pamamagitan ng noo’y Presidente nito na si Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo sa planong pag-amiyenda sa Konstitusyon noong 2006 sa pamamagitan ng con-con na dadaan subalit umaasa ito na hindi pulitika ang motibo sa cha-cha.
Ang Saligang Batas ng Pilipinas ay ang supreme law ng Republika ng Pilipinas kung saan ang huling draft nito ay nakumpleto ng Constitutional Commission noong October 12, 1986 at naratipikahan sa pamamagitan ng plebisito noong February 2, 1987.
Ang Pilipinas ay may 18 rehiyon o 17 administrative at 1 autonomous at sa Federal form of government, lahat ng ito bibigyan ng kapangyarihan sa ilalim ng federalism na hindi naman mababalewala ang national government.