162 total views
Hinimok ni Father Dan Cancino MI – Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Healthcare ang mga mananampalataya na gawing huwaran si Hesus sa pagdiriwang ng araw ng pag-ibig ngayong Valentine’s Day.
Ayon sa pari, isang magandang pagdiriwang na nagsabay ngayong araw ang Valentine’s Day at Ash Wednesday dahil ang tunay at ganap na pag-ibig ay naipamalas ni Hesus sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sariling buhay upang matubos ang sanlibutan.
“Itong Valentine’s Day ay secular na celebration, ito’y araw ng pag-ibig, araw ng mga puso, pero kung titingnan natin, itong pag-ibig na ito ay tunay at ganap na ipinakita ng ating Panginoong Hesus… ito’y magandang dapat na pinagsisimulan ng ating imitation ng selebrasyon ng valentine’s day, ang araw ng pagmamahal ay yun mismong pagmamahal ng ating Panginoong Diyos na nagmula sa pagbibigay ng sarili, sakripisyo at ang kanyang matindi at malalim na pagmamahal at relasyon sa ama, sa kanyang pagdarasal.” Pahayag ni Father Cancino sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Pari, upang hindi maging mababaw ang pagdiriwang ng mga mananampalataya sa araw ng pag-ibig ngayong Valentine’s Day ay magandang maiugnay din ito sa pagsisimula ng panahon ng kuwaresma o ang 40 araw na paghahanda sa muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
“Ito yung napakagandang selebrasyon na hindi lamang yung ating selebrasyon ay napaka secular, magandang ikonekta natin ito sa totoong ibigsabihin ng Holy Lent. Sasamahan natin si Hesus ngayon at ang Diyos within this 40days at siguradong sasamahan din tayo ng ating Panginoon within this 40days in preparation for this celebration of his Paschal Mystery.” Dagdag ni Father Cancino.
Samantala, kinondena naman ni Father Cancino ang mga grupong namamahagi ng condom tuwing buwan ng Pebrero dahil sa pinaniniwalaan ng mga ito na season of Love.
Ayon sa pari, nakadidismaya na hindi lamang iilang grupo dahil maging ang pamahalaan ay isa din sa mga namamahagi ng condom dahil sa paniniwala nang mga ito na mapipigilan ang pagkalat ng sakit na HIV-AIDS.
Giit ni Father Cancino, dapat na suriing mabuti ang paraang ginamit ng pamahalaan upang pigilan ang HIV-AIDS dahil lumabas sa pag-aaral na sa loob ng anim na taon ay bumilis ng 140% ang pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa.
“Kahit na nag-distribute ng condom ang napakaraming grupo, at isa na dito ang ating gobyerno, nakikita natin na tumataas ang kaso ng HIV, magandang pag isipan, yun ba ang totoong proseso para sugpuin ang HIV dito sa ating bansa? Let’s be more evident base, nagdi-distribute ng condom, ngayon tumataas ang HIV parang ang layo noong intervention saka ng ating result.” pahayag ni Father Cancino.
Dahil dito ipinaalala ni Father Cancino na mahalagang balikan ang mga aral ng Simbahang Katolika na pagpapataas ng kamalayan at edukasyon na may kasamang Gospel Values ang kinakailangan upang tunay na mapigilan ang pagkalat ng HIV-AIDS.
“Babalikan kong muli ang tawag ng ating simbahan, education, awareness base on gospel values , , pagpapatatag ng relasyon sa pamilya, pagpapahalaga ng buhay at pagpapahalaga din ng relasyon sa ibang tao, yan ang totoong susi para masugpo itong pandemic na HIV-AIDS na ito.” Dagdag pa ni Father Cancino.
Noong 2017, nanguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na mayroong pinakamaraming bagong kaso ng HIV-AIDS.
Ngayong taon, sinabi ni Father Cancino na nakapagtatala sila ng 31 bagong kaso ng HIV-AIDS kada araw.