270 total views
Mga Kapanalig, bawat isa sa atin ay maraming ginagampanang papel sa ating buhay, at kaakibat ng mga ito ang maraming interes at loyalties o katapatan sa ating mga nakakaugnayan—mga kapamilya man, mga kaibigan, o mga katrabaho. Napakalakas din ng utang na loob sa ating kultura, at isa ito sa mga sinasabing dahilan kung bakit mahirap na walang kinikilingan sa ating mga desiyon at ginagawa.
Mas malaking hamon ito sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan. Bilang mga tagapangasiwa ng tinatawag nating public trust, dapat nilang unahin ang interes ng publiko bago ang kanilang interes. Ito ang kanilang sinumpaang tungkulin nang sila ay iluklok sa puwesto o italaga sa kani-kanilang tanggapan. Tinatalikuran nila ang tungkuling ito kapag ginagamit nila ang tangan nilang kapangyarihan at awtoridad upang unahin ang kanilang sariling interes kaysa sa interes ng publiko. Kaya napakahalagang iniiwasan sa pamahalaan ang tinatawag na conflict of interest. Ngunit sa maraming pagkakataon, lalo na sa ilalim ng administrasyong Duterte, may mga itinatalagang opisyal ang may kaugnayan sa mga bagay na maaaring magbunga ng conflict of interest.
Noong nakaraang linggo, pinunan ni Pangulong Duterte ang tatlong bakanteng posisyon sa Commission on Elections (o COMELEC). Tatlong commissioners ang kanyang itinalaga: si National Commission on Muslim Filipinos Secretary Saidamen Pangarungan (na magsisilbing bagong chairman), ang election lawyer na si George Garcia, at social welfare undersecretary na si Aimee Torrefranca-Neri.
May ilang umalma sa mga bagong appointees ni Pangulong Duterte sa COMELEC, at isa rito ang grupong Kontra Daya. Nababahala ang Kontra Daya na wala o kulang ang credentials ng dalawa sa mga bagong commissoners, habang ang isa naman sa kanila ay kilalang abogado noon ng tumatakbo ngayong si Bongbong Marcos na may mga nakabinbing disqualification cases sa komisyon. Tanong ng Kontra Daya, paano raw nila titiyaking mananatili ang kanilang pagging independent o hindi maiimpluwensyahan ng mga pinagkakautangan nila ng loob o mga dating kliyente? Kampante naman ang tagapagsalita ng COMELEC na kaya ng mga bagong talagang commissioners na manatiling patas at walang kinikilingan o pinapanigan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.[1] Sana nga.
Sa isang banda, mahalagang pinagkakatiwalaan ng presidente ang kanyang mga magiging katuwang sa pamamahala. Maiintidihan natin kung mga kakilala niya ang kanyang mga itatalaga sa iba’t ibang opisina. Ngunit sa kabilang banda, kailangan pa ring busisiin ang track record at kakayahan ng mga pinipili niyang opisyal lalo na sa mga ahensyang katulad ng COMELEC na napakakritikal ng magiging trabaho ngayong darating na halalan. Mayroon naman tayong Commission on Appointments na magsasala sa mga itinatalaga ng pangulo, ngunit ibang usapin pa kung ang mga mambabatas na bumubuo nito ay inuuna ang interes ng bayan o sunud-sunuran din sa kagustuhan ng pangulo.
Ang pagiging mapagbantay at mapatmatyag o vigilant ang magiging sandata natin upang hindi umiral ang conflict of interest hindi lamang sa COMELEC kundi sa lahat ng agensya ng pamahalaan. Ang serbisyo publiko o public service ay laging tungkol sa pagtataguyod at pagprotekta sa common good o kabutihang panlahat, isa sa mga saligang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Ang isang public servant, samakatuwid, ay hindi dapat ginagamit ang kanilang posisyon para sa sariling kapakinabangan o para sa benepisyo ng kanilang mga pinagkakautangan ng loob. Kapag pababayaan natin ang mga conflicts of interest, hihina ang tiwala ng taumbayan sa ating mga institusyon. Nawawalan ng kumpiyansa ang publiko sa pagdedesisyon ng pamahalaan na siyang may pangunahing tungkulin sa pagtugon sa pangangailangan ng bayan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Ebanghelyo ni San Marcos 13:37, “Magbantay kayo.” Nananatili sa atin, bilang mga dapat na pinaglilingkuran ng mga public servants, ang kapangyarihang panatilihing malaya sa conflict of interest ang pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.