554 total views
Nahaharap sa kasong serious illegal detention si Quezon 4th District Representative Helen Tan at asawa niyang si Department of Public Works and Highways Region 1 Director Engr. Ronnel Tan.
Ang kaso ay isinampa ni Lopez, Quezon Councilor Arkie Yulde sa Makati Regional Trial Court.
Bukod sa mag-asawang Tan, kasama din sa kinasuhan si Jaime Aquino dating correspondent ng The Manila Times.
Ang kasong isinampa ng konsehal sa mag-asawa at kay Aquino ay dahil sa paglabag sa article 267 ng Revised Penal code o ‘through fraudulent and illegal means, they have skewed judicial processes’ na naging dahilan ng pagkakakulong ni Yulde.
Si Yulde ay nakulong sa loob ng limang buwan bagama’t nakalaya dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Sinabi ng konsehal na ang pagsasampa ng kaso ay kaugnay na rin sa pagtestigo ni Jestin Aquino-ang anak ng isa sa nirereklamo.
Sa testimonya ng batang Aquino, ang kanyang ama ay personal assistant at driver ng mag-asawang Tan.
Ayon kay Jestin, ilang beses niyang nakitang magkakasama ang mga Tan at kanyang ama sa La Union at Makati City na nagbigay ng mga pekeng dokumento para kasuhan ang konsehal ng rape at serious illegal detention kapalit ang P3 milyon.