447 total views
Tiniyak ni Malolos Bishop Dennis Villarojo na mananatiling gabay ang Simbahan sa paghuhubog ng kamalayan ng mamamayan.
Ito ang mensahe ng obispo sa ginanap na ‘Gugma sa Kamatuoran’ online program ng Cebu Caritas kung saan paksa ang katatapos na national and local elections.
Sinabi ni Bishop Villarojo na paiigtingin ng simbahan ang paggabay sa kawan ng Panginoon lalo na’t nakita sa nakalipas na halalan ang labis na epekto ng disinformation sa kamalayan ng tao.
“It is a remarkable election affected by massive disinformation; the role of the Church will have to be conscience formation,” pahayag ni Bishop Villarojo.
Binigyang diin ng obispo ang kahalagahan ng pagtutulungan sa paghahayag ng katotohanan sa pamayanan upang maiwasang mabiktima ng fake news.
Naniniwala si Bishop Villarojo na dapat palakasin ng simbahan ang munting pamayanan o Basic Ecclesial Communities na magiging katuwang sa misyon ng simbahan sa lipunan.
“Let us go to the grassroots and revitalize the Basic Ecclesial Communities (BEC), the triumph of the church comes when people are converted to the truth,” ani Bishop Villarojo.
Una nang nanindigan ang simbahang katolika na labanan ang fake news lalo’t sa pag-aaral ng Data Reportal sa unang bahagi ng 2022 ay mahigit 90-milyong Pilipino ang aktibo sa iba’t ibang social media platform na pinakapangunahing ginamit ng mga kandidato sa pangagampanya bago ang halalan noong Mayo 9.
Bagamat kinilala ng Simbahan ang pinili ng mayorya ng mga Pilipino, tiniyak naman nito ang principled cooperation sa administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.
Read: https://www.veritasph.net/principled-cooperation-sa-bagong-administrasyon-suportado-ng-slp/
Umaasa rin si Baguio Bishop Victor Bendico na isulong ng bagong administrasyon ang tunay na pagkakaisa sa bansa alinsunod sa bunga ng Espiritu Santo.
Read: https://www.veritasph.net/the-essence-of-pentecost-is-unity-paalala-ng-obispo-kay-bbm-at-mamamayang-pilipino/