186 total views
Binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. – isa sa mga framer ng 1987 constitution na maaring gamitin ang constituent assembly o CON-ASS sa planong pagpapalalit ng Federal form of government sa bansa ngunit kinakailangang hiwalay na bumuto ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
Ipinaliwanag ng Obispo na dapat magkaroon ng magkahiwalay na desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sapagkat hindi maaring ipaubaya ang pagdedesisyon sa napakahalagang usapin sa mayorya ng mga Kongresita na sunod-sunuran lamang sa kagustuhan ng Malacanang.
“Alam niyo ang CON ASS puwede naman yan legally, pero yung CON ASS dapat talagang yung dalawang sangay ng legislative department dapat yan ay magkahiwalay na bumoto para merong Lower House at Senate sapagkat kung sa Lower House mo lalo na sa kasalukuyang panahon ipauubaya yan, yan ay magiging Convention of Asses. Paano ba naman basta kung sino ang papalo sa kanila ay sunod sunuran nalang” pahayag ni Bishop Bacani Jr. sa panayam sa Radyo Veritas.
Giit ng Obispo, hindi maaaring basta na lamang ipagkatiwala sa mga Kongresista ang pambansang Konstitusyon ng Pilipinas sapagkat sumusunod lamang ang mga ito sa idinidikta sa kanila at walang sariling mga paninindigan bilang mga halal na opisyal ng bayan.
Apela ni Bishop Bacani, hindi dapat na madaliin ang naturang plano ng pagpapalit ng konstitusyon ng bansa sapagkat dapat itong masusing suriin para sa ikauunlad ng buong bayan at hindi lamang dapat na para sa kabutihan at kapakinabangan ng iilang mga indibidwal.
Nagpahayag rin ng pangamba ang Obispo na magdudulot lamang ang Federalism ng tunggalian, kompetensya at paligsahan sa mga mamamayan taliwas sa sinasabi ng mga nagsusulong sa panukala na pagkakaisa at pagpapa-unlad ng bansa.
Giit ni Bishop Bacani ang Federalism ang unang hakbang para sa Unitarian Government at kung muling igigiit ito ay tila pabalik ang magiging usad na tatahakin ng ating bansa.
Batay sa Saligang Batas ang Contituent Assembly ay isa lamang sa tatlong paraan upang baguhin o amyendahan ang 1987 Constitution ng bansa kabilang na ang People’s Initiative at Constitutional Convention.