238 total views
March 3, 2020 9:27AM
Sa naging reflection ni Pope Francis sa Gospel reading mula kay St. Luke, tinawag ng Santo Papa ang “consumerism” na isang malalang sakit sa kasalukuyan.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, tinatawagan ang mga mananampalataya na magdasal, magbalik-loob sa panginoon, magkawanggawa sa kapwa, magnilay at mag-ayuno.
Kapanalig, ipinaalala ng Simbahan sa atin ngayong Kuwaresma na iwaksi ang consumerism o labis na paggasta na naging dahilan ng “throw away culture” kung saan nakikita ang lahat bilang mga bagay na napapalitan, itinatapon at pansamantala lamang.
Ang isang paraan ng pag-aayuno ay ang pagpipigil sa sarili na bumili ng mga bagay na hindi kailangan. Sa halip na consumerism, tumugon tayo sa panawagan ng Simbahan na pagkawanggawa, tumulong sa kapwang naghihikahos sa buhay at higit na nangangailangan.
Dahil sa consumerism, nasisira ang ating kalikasan bunsod ng santambak na mga basura bukod pa sa lumalalang polusyon.
Mensahe din ng Santo Papa sa mga mananampalataya ngayong Kuwaresma na iwasan ang paggamit ng mga gadgets.
Binigyan diin ni Boac Bishop Marcelino Maralit Jr., ang chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications na ngayong kuwaresma, mahalaga ang katahimikan sa pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
Ayon sa Obispo, importanteng iwasan ng mga mananampalataya ang gadgets at ituon ang panahon sa pagninilay, pag-aayuno, pagdarasal at pagtulong sa kapwa.
Iginiit nito na sagabal ang mga gadgets sa pagtamo ng katahimikan upang makapagnilay, makinig at makipag-usap sa Panginoon para magkaroon ng conversion o magbalik-loob sa Panginoon.
Kapanalig, pinapayuhan tayo ng Simbahang Katolika na buksan ang Bibliya na pinakabatayang text messages na nagmumula sa Diyos at hindi mula sa mga gadget at cellphones na puno ng negatibong bagay tulad ng fake news.
Kapanalig, magkakaroon tayo ng makabuluhang Lenten season kung ituon natin ang ating oras sa pagdarasal, pagbabasa ng bibliya, pagbabasa ng spiritual books at pagsadarasal ng Santo Rosaryo.