4,485 total views
Itinuturing ng Filipinos for Life na makitid na dahilan ang hakbang ng Department of Health at Commission on Population na hilingin sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang temporary restraining order o TRO sa paggamit ng modern contraceptives para labanan ang dumaraming teenage pregnancy sa Pilipinas.
Ayon kay Anthony James Perez ng Filipinos for Life, mas dadami ang teenage pregnancy kapag pinayagan ng Korte Suprema ang pagbibigay ng pamahalan ng mga pills at condom sa mga kabataan.
Iginiit ni Perez na maling mensahe ang ibibigay sa mga kabataan ng libreng contraceptives o magdudulot ito ng contraceptive mentality na lalung magtutulak sa mga kabataan sa pre-marital sex.
“Yung sinasabi nilang dahilan na dumarami yung teenage pregnancy, parang ang hirap paniwalaan na ang tanging solusyon dito ay yung RH law na bibigyan mo ng contraceptives. Kapag binigyan mo sila ng contraceptives the more they will be encourage to have sex kasi may contraceptives, may condom,” paglilinaw ni Perez.
Sa halip, inirekomenda ni Perez ang tamang edukasyon sa mga magulang upang mabigyan nila ng sex education ang kanilang mga anak at bigyan ng extracurricular activities ang mga kabataan tulad ng sports and culture.
Binigyan diin ni Perez na ang pangunahing dahilan ng TRO sa contraceptives ay upang iligtas ang mga kababaihan sa pagiging abortifacient ng mga pills at artificial contraceptives.
Inihayag ng DOH at Commission on Population sa isang forum na tumaas sa 500 ang teenage pregnancy o katumbas ng 500 libong abortion kada taon sa Pilipinas.