427 total views
Ang pagpapaigting sa pangangalaga ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa ang higit na kinakailangan ng buong mundo.
Ito ang mensahe ni Father Eric Adoviso – Minister ng Manila Archdiocese Ministry for Labor Concern (AMLC) bilang pagkilala sa bagong pinuno ng International Labour Organization (ILO).
“At the same time sana yung mga manggagawa ay talagang makamtam nila lalo na sa Pilipinas na makamtam yung kapakanan nila, yung matagal na nilang hinahangad na mga minimum wage ay sana naman tumaas pa dahil hindi naman bumababa ang presyo ng mga bilihin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Adoviso.
Panalangin din ni Father Adoviso para sa bagong pinuno ng ILO ang pagpapaigting ng pagbuwag sa kontrakwalisasyon na bukod sa Pilipinas ay nararanasan rin ng mga manggagawa sa buong daigdig.
Umaasa ang Pari na pangalagaan din ng I-L-O ang karapatan ng mga manggagawa na magtayo ng mga ‘union’ at isabuhay ang Ensiklikal ng dating Santo Papa na si Pope John Paul II na ‘Labora Exercen’.
“Sa Laborem ay hinihimok ni Saint John Paull II na magtayo ng asosasyon, ng union para maprotektahan ang interes ng manggagawa, yun mahahalaga iyon, sa Pilipinas, maging maganda yung sahod sa manggagawa, tapos yung kontrakwalisasyon matapos na at yung security of tenure,” pahayag ni Father Adoviso.
September 30 ng isagawa ang turnover ceremony ni Director-general Guy Ryder kay Gilbert Houngbo bilang bagong pinuno ng ILO.
Sa sampung taon na pamumuno ni Ryder, bukod sa pangangalaga sa kapakanan ng mga manggagawa ay naging adbokasiya nito ang pagtataguyod sa ekonomiya ng mga bansang madalas na nakakaranas ng natural na kalamidad at digmaan.
Samantala, bukod sa pagiging dating Prime Minister ng Togolese Republic sa West Africa ay nakilala si Houngbo bilang isang ekonomista na nagtataguyod ng kapakanan ng mga mahihirap na komunidad sa ibat-ibang bahagi ng mundo.
Si Houngbo rin ang kasalukuyang Pangulo ng International Fund for Agricultural Development (IFAD) at Chairman ng United Nations Water na tinitiyak ang pagkakaroon ng malinis na suplay ng inuming tubig sa pinakamahihirap na bahagi ng mundo.