1,264 total views
Umaapela ang isang Arsobispo sa mga kandidato na tutukan at isama sa kanilang mga plataporma ang katiyakan ng Social Security sa mga manggagawa sa bansa at maging sa mga Overseas Filipino Worker.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, Chairman ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, kailangang may programa na inilalahad ang mga kandidato para labanan ang lumalaganap na kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Itinuturing ng Arsobispo na injustice para sa mga mahihirap at ordinaryong manggagawa ang kawalan ng seguridad sa kanilang trabaho at benepisyong natatanggap dahil sa pagiging contractual.
“Yung mga laborers, the ordinary laborers, katulad ng mga contractual which is depriving them of the social benefits kaya kapag nagkasakit sila wala sa kanila na talagang by laws should be given them. Iyong social security, kaya I think one of the major issues that must be responded by our candidate should be that yung injustice that our laborers are force to suffer.”pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Radio Veritas
Binigyang diin ng Arsobispo na contractualization scheme sa bansa ay nagpapahirap sa mga ordinaryong manggagawa at nagpapayaman naman sa mga negosyante.
“Iyang mga contractual na yan, iniiwasan ng mayayaman para sila ay lalung yumaman. Iniiwasan ang kanilang mga social obligations. Lahat yan ay nasa social teachings of the church, iyan ang dahilan kaya dito sa national transformation commission part na bigyan ng katotohanan ang teachings of the church on social justice and others.”paglilinaw ni Archbishop Arguelles
Nabatid mula sa datus ng International Labor Organization o ILO na umaabot sa 90-porsiyento ng kabuuang 67-milyong domestic workers o mga manggagawa sa Pilipinas ay walang seguridad sa kanilang pagta-trabaho at walang matatanggap na suporta sa Social Security System o SSS pagdating sa kanilang pagtanda at retirement.