27,012 total views
Pinuri ng Alyansa Tigil Mina ang ang pagsisikap ng Diocese of San Carlos na mahikayat ang Sangguniang Panlungsod ng Sagay, Negros Occidental na pigilan at huwag pahintulutan ang pagmimina sa lungsod.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, nagbunga ang paninindigan ng diyosesis sa pangunguna ni Bishop Gerardo Alminaza katuwang ang Social Action Center upang isantabi ng Sagay City local government ang aplikasyon ng Tambuli Mining Corporation upang makapagsagawa ng open-pit mining project sa Barangay Lopez Jaena, Sagay City.
“The perseverance of Bishop Alminaza, the church workers and allied organizations to raise awareness on the issue and articulate the arguments against mining has generated the much-needed support from local officials,” pahayag ni Garganera.
Nagpaabot din ng pagbati ang ATM sa Sagay City LGU dahil sa paninindigan sa kanilang City Environment Code na pangalagaan at isulong ang karapatan ng mamamayan para sa isang balanse at malusog na kapaligiran.
Panawagan naman ng grupo sa Department of Environment and Natural Resources na igalang ang desisyon ng lokal na pamahalaan, itaguyod ang lokal na awtonomiya, at huwag nang pahintulutan ang aplikasyon Tambuli Mining.
Batay sa resolusyon ng Sangguniang Panglungsod ng Sagay, ang copper open-pit mining ay mangangailangan ng pagpuputol ng mga puno, pagpapatag ng mga bundok, at iba pa na makapipinsala sa kalikasan, gayundin sa kaligtasan at kalusugan ng mga tao.
Apela naman ng ATM sa iba pang lokal na pamahalaan sa bansa na tularan ang naging hakbang ng Sagay City LGU at manindigan para sa kapakanan ng kalikasan at mga kinasasakupan.
“We hope other LGUs confronted with mining applications follow the lead of the LGU of Sagay. As elected leaders, local government officials are mandated to protect the interests of their communities and ensure their right to a clean, healthy and sustainable environment,” saad ni Garganera.
Mariing tinututulan ng Santo Papa Francisco sa kanyang Laudato Si’ ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa mga apektadong pamayanan.