422 total views
Iginawad ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagkilalang Coronacion Canonica sa imahe ng la Purisima Concepcion de Santa Maria, sa Bulacan.
Ito ay matapos mapatunayan ang malalim at malawak na debosyon ng mga mamamayan na nagpayaman sa kanilang pananampalataya.
Nito lamang ika-28 ng Marso, inaprubahan ng Santo Papa ang dekreto ng pagkilala ng simbahang katolika sa imahe.
Ikalawa naman ng Hunyo nang pormal itong inanunsyo ni Msgr. Ranilo Trillana-Parish Priest ng naturang simbahan, sa mga mananampalataya, kasabay ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Panginoon.
Sa kasalukuyan, wala pang nakatakdang petsa para sa pagsasagawa ng Canonical Coronation Rite.
Matatandaang ika-tatlo ng Mayo 2018 nang gawaran ng Coronacion Episcopal ng namayapang Obispo ng Malolos na si Bishop Jose Oliveros ang imahe ng La Purisima Concepcion.
Ang Pilipinas ay tinaguriang pueblo amante de Maria dahil sa masidhing pagmamahal at pamimintuho ng mga Pilipino sa Mahal na Ina.
Sa tala ang Birhen ng La Purisima Concepcion sa Santa Maria, Bulacan ang pang 43 sa mga imahe sa Pilipinas na gagawaran ng Coronacion Canonica.
Kauna-unahang imahe na nakoronahan sa Pilipinas ang Nuestra Señora del Santísimo Rosario de La Naval de Manila noong taong 1907, na ngayon ay nasa Santo Domingo Church.