179 total views
HOMILY
His Eminence Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
June 18, 2017
Sa aking mga Mahal na Kapatid sa Panginoong Hesukristo, marapat lamang po na pasalamatan at papurihan natin ang Diyos sa araw na ito, ang Dakilang Kapistahan ng Corpus Domini Corpus Christi, Ang Banal na Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo. Maraming salamat po sa inyo na nanggaling sa iba’t ibang Vicariates ng Archdiocese,
ang mga representatives bilang isang sambayanan ay kinakatawan natin, ang malaking pamilya ng Archdiocese
of Manila at nagpapasalamat po tayo kay Bishop Broderick Pabillo ang ating Auxiliary Bishop na kasama rin po natin sa misang ito.
Mga kapatid, sana pagdating ng 2021 yung 500 anniversary ng pagdating ng Kristyanismo sa Pilipinas, sana ang pagdiriwang natin ng Corpus Christi ay mas malaki pa sana lahat ng kalye diyan punong-puno at ang Adoration, ang Misa, ang Prosesyon sana abutin din ng 22-hours, masyado yatang mahaba yun pero yun nga napag-uusapan namin ni Bishop Broderick. Siyempre yung anibersaryo ng pagdating ng Kristyanismo sa Pilipinas kasama diyan ang Eukaristiya. Sa taong ito po ay ipinagdiriwang din natin ang parokya bilang Communion of Communities, bukluran ng mga mumunting sambayanan mula sa pamilya, BEC, mga sambayanan sa neighborhood, ang mga iba’t ibang organisasyon at movements. Buuin ang mga communities pero hindi sarado sa ibang communities, maliliit na communities na magbubuklod upang makabuo ng malaking pamilya, parokya at hari nawa ang diyosesis.
Marami pong itinuturo sa atin ang mga pagbasa ang kapistahan ng araw na ito sa tamang pagsasabuhay ng pagiging parokya as communion of communities, hayaan niyong magbigay lamang ako ng dalawa na makukuha natin sa mga pagbasa.
Ang una po ay: Ano ba ang bumubuhay sa atin? Saan tayo nakakatagpo ng buhay? Ang Kapistahan po ng Corpus Christi ay pagpapatuloy ng muling pagkabuhay ni Hesus, ang tagumpay ni Hesus laban sa kasamaan at kasalanan, ang kanyang presensiya ay patuloy kahit tapos na ang Easter Season at yan ay nararanasan natin lalo na sa Eukaristiya. Si Kristong muling nabuhay, nagbibigay buhay tinatanggap niya tayo bilang bahagi niya kasi sa kanya lamang tayo makakatagpo ng buhay at ito’y naranasan na ng mga Israelita. Apat na pung taon (40 years) gutom, parang walang saysay at sabi ni Moises “ang paghihirap natin sa disyerto ay merong kahulugan. Ginutom tayo, sinubok tayo upang maturuan tayo ng leksyon, upang malaman natin tayo ba ay kakapit sa salita at utos ng Panginoon o bibitaw tayo sa kanya. Totoo po yan, kapag maganda ang takbo ng buhay napakadaling sabihin
“Lord, Lord, Lord kakapit ako sayo”, kapag maganda ang buhay “Praise the Lord!” talaga naman lahat si Lord, kapag maganda ang takbo ng buhay ang dami nga nating pinapangako eh “magdo-donate ako sa ganyan” “magpapaaral ako ng ganyan”, napakasarap sumunod sa salita ng Diyos kapag maganda ang takbo ng buhay pero kapag ba meron ng pagsubok, kakapit pa ba sa salita ng Diyos?
Sa karanasan ng Israel, alam natin may mga pagsubok na umuwi sa pagtalikod sa Diyos, nagreklamo sila sa Diyos pati si Moises inatake nila at pinalitan na nila ang Diyos, gumawa ng Molten Calf. Kapag nagutom, kapag nagkaroon ng krisis kakapit pa ba sa salita at utos ng Diyos? Pero napakabait ng Diyos, ang bayan na ayaw ng tumanggap sa kanya, tinanggap pa rin niya pinadala ang misteryosong parang tinapay ‘Manna’ tinapay na hindi nila alam, ang kahulugan ay ugat, “ano ba ito?” Kaya kapag may pinapakain sa inyo ang isang tao na hindi niyo alam sasabihin
“ano ba ito?” yun ‘Manna’, kapag tinanung ng mga nanay “anong gusto niyong kainin mamaya?” “kahit ano. tapos kapag naghain na “ano ito?”, Iyan ay ‘Manna’ – pagkain na hindi niyo kilala. Ang bait ng Diyos, kung ako ang Diyos tinalikuran niyo ako bahala kayo mamatay kayo sa gutom. Pero siya tinalikuran na siya tinanggap niya ang bayan, kaya ang tinapay na ito hindi gawa ng tao kundi mula sa langit binigyan pa ng tubig pero sabi ni Moises “itong ‘Manna’ at ang tubig ay sagisag. Sagisag ng buhay na ipinagkakaloob ng Diyos, sagisag ng salita ng Diyos, ang pangako ng Diyos na sana ay pinaghuhugutan natin ng buhay” kaya sabi ni Moises “ito ay paala-ala, hindi tayo nabubuhay sa tinapay lamang kundi sa bawat salita na nanggagaling sa labi ng Panginoon”
Yung ‘Manna’ yung tubig sa bato sagisag ng salita ng Diyos na nagbibigay buhay sa atin at sa Ebanghelyo ang salita ng Diyos nagkatawang tao, ang salita ng Diyos ay hindi lamang tuog, hindi lamang nakasulat kundi naging tao.
Si Hesus ibinibigay niya ngayon ang kanyang katawan bilang pagkain ng buhay at ang buhay na matatamo natin
sa kanya ay buhay na walang hanggan kasi sabi niya “Ang buhay ko ay galing sa Ama”, hindi ito basta buhay kundi buhay ng Diyos Ama na ipinagkakaloob sa atin sa pamamagitan ng katawan ni Kristo.
Katawan ni Kristo na ibibigay bilang tinapay ng buhay para makain natin. Ang ganda po, nabubuhay tayo hindi
sa tinapay lamang kundi sa bawat salita ng Diyos, yung salita naging tao may laman at yung kanyang laman ginawa niyang tinapay ng buhay para tayo mabuhay, tinanggap niya tayo, tanggapin din natin siya. Kamusta ho ba tayo, kalian ba tayo buhay na buhay? Kalian ba tayo, saan ba tayo humuhugot ng buhay? Totoo po mahalaga ang pagkain, tubig. Paalaala sa atin ay huwag namang kalimutan ang salita ng Diyos lalo na yung salita na nagkatawang tao. Nakakatuwa marami kabataan dito (pointing to the people) mga seminarista ba kayo? Kasama pa ba kayo sa kabataan? Mga kabataan kapag sinabi ba sa inyo ng magulang ninyo, sisimba tayo” kayo ba naglululundag?
“Yehey! Sisimba kami! Makikinig kami sa salita ng Diyos! Tatanggapin namin ang katawan ni Kristo, Yehey!
Buhay na buhay kami…” kapag sinabi ba ng Lola ninyo “Halika, iho iha samahan mo ako sa Adoration Chapel,
“Yehey! Adoration wow, buhay na buhay ako diyan. Tapos kapag sinabi ng tatay niyo lalo na ngayon Father’s Day “halikayo manunuod tayo ng sine, “Ayoko, ayoko, Adoration po, Adoration kasi hindi tayo nabubuhay sa sine lamang kundi sa pagtingin kay Hesus.
Ganun kayo mga kabataan ano? Diba ano? (points at the choir) Isa lang ang gumanon (tumango). Ipakita natin sa mundo bakit sa gitna ng mga pagsubok kaya nating maging buhay, bakit hindi tayo susuko sa mga hilahil pati na ang mga kasamaan, meron tayong sekreto ng buhay ang salita ng Diyos na tumanggap sa atin at nag-aanyaya tanggapin ninyo ako ito po ang isang bagay na pinagpapasalamat ko, bagamat minsan ay nakalulungkot kapag nabibisita
ko ang mga kapatid nating OFWs, mga Overseas Filipino Workers, kapag dumaraan ang kalungkutan, malayo sa pamilya minsan nagkakaproblema sa trabaho, minsan nawawalan ng trabaho pero hindi nila masabi sa pamilya nila, nagkakasakit pero kahit hirap na hirap kailangang pumasok para may maipadala sa pamilya. Alam po ninyo sa mga pakikipagkwentuhan sa kanila kapag dumarating yang hirap at pighati saan sila pumupunta? Sa Simbahan. Sa Blessed Sacrament. Sa Adoration Chapel. Alam nila iwanan man sila ng iba, mag-isa man sila meron doon na presensya si Hesus puwede mong kausapin, puwede kang umiyak, puwede kang magsaya, ang hirap po noon na masaya ka pero wala kang mapagkuwentuhan. Akala lang natin mahirap yung malungkot ka wala kang masabihan pero mas mahirap po yung masaya ka pero wala kang makuwentuhan. Kapag umiiyak ka ng naglalakad, mapapansin ka sasabihin nung iba “may problema ka ba?” Kapag tumatawa kang nag-iisa’t naglalakad, iiwasan ka sasabihin “naku, may diperensya yata” Pero kay Hesus lumapit ka, umiyak ka dyan, tumawa ka dyan, magmanik-loob ka dyan hindi ka mag-iisa at buhay ka uli.
Iyan po ang isang bagay na natutunan ko sa mga OFWs, kaya alam ko ang mga sinasabi ng mga pagbasa, totoo ito
sa buhay ng mga kapatid natin. Huwag na tayong maghintay pa ng mga pagsubok, ng mga kalungkutan
para kumapit at mabuhay sa salita ng Diyos na nagkatawang tao.
Ang ikalawa at huling punto po ay mula naman kay San Pablo sa mga taga-Korinto, pinaala-ala niya sa mga
taga-Korinto na noon ay hati-hati na ang isang ugat ng kanilang Communion, pagiging isang sambayanan ay ang Eukaristiya, pinagsasaluhan nila iisang tinapay, pinagsasaluhan nila isang kalis pero yung isang tinapay ay katawan ni Kristo kaya salo-salo sila kay Kristo ang kalis na iyon ay ang dugo ni Kristo at sa pag-inom nila sa iisang kalis nabubuklod sila kay Kristo. Ito na naman tinanggap ni Hesus sa kanyang katawan, tayo kasama po diyan ay tanggapin din natin ang ibang tao na bahagi ng katawan ni Kristo. Tayo tinatanggap ni Hesus, tayong tumatanggap kay Hesus sana tulad niya kayang tanggapin ang mga minamahal ni Hesus. Doon nagiging isang katawan, iisang pamayanan nakakalungkot po kung ang tumatanggap sa katawan ni Hesus na tinggaap ni Hesus para maging bahagi niya, hindi naman matanggap ang mga minamahal ni Hesus. Nakuwento ko nga kanina sa isang Misa, nakakatuwa naman ho lalo na sa Consecration magagalang po tayo, nakaluhod yung iba hindi lang lumuluhod yung iba nakaluhod na nakayuko pa, talaga namang solemn na solemn kapag tinaas na ang katawan ni Kristo meron pang bell, mamaya meron pang insenso, naku talaga naman “my Lord and my God.” Talagang napakagalang tapos mangungumunyon, pagbalik sa silya aba meron nang ibang nakaupo, “pssshh, upuan ko yan! Alis ka diyan!
Ano ba naman yan, tinanggap ka ni Hesus bakit hindi mo matanggap yung kapwa mo? Sana huwag nang dumagdag ang Simbahan sa nangyayari ngayon sa mundo na wala nang ginawa kundi maghati-hati at magtakutan.
Tinatakot tayo ng mundo para magkahati-hati, may makita lang tayong tao na “ano ba ito parang mukhang Arab, mukhang taga-Middle East, takot na tayo, dangerous. Hindi mo naman kilala pero ang dami ng iniisip natatakot na, may makitang isang tao “naku, mangungutang ito, mangungutang, mukhang mangungutang lilipat ako ng upuan. Teka hindi mo naman kilala baka nga magdodonate yan, hindi yan mangungutang. Ang mundo natin ngayon ang daming takot, takot sa tao na hindi natin kilala, takot sa mga tao, refugees, migrants ni wala tayong nakikilala kahit isa at dahil sa takot hati-hati na tayo, we brand each other, we blame each other, scapegoating.
Sana ang Eukaristiya maging pamamaraan para tanggapin ang tinanggap ni Hesus. Nung ako’y nagugutom, nung ako’y nauuhaw nung ako’y walang matirhan, nung ako’y nasa preso, nung ako’y walang damit tinanggap niyo ako kasi tinanggap ni Hesus ang mga ito. Sana ang Eukaristiya maging daan para tayo makahanap ng mga pamamaraan sa pagbubuklod lalo na para sa mga isinasantabi, kinakalimutan, mga walang matakbuhan.
Tayo po’y tumahimik sandali at ibukas ang ating sarili sa salita ng Diyos na nagbibigay buhay, ibukas din natin ang ating sarili sa pagtanggap ni Kristo sa atin upang matanggap din natin siya sa ibang tao lalo na yung mga walang matakbuhan mga walang tumatanggap.