211 total views
Dapat magsagawa ng ‘correction summit’ ang pamahalaan upang matukoy ang mga suliranin at malutas ang mga problema sa mga bilangguan sa bansa.
Ito ang suhestiyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care kaugnay sa patuloy na kaguluhan sa Bureau of Corrections (BuCor)na may kinalaman sa mga transaksyon ng ilegal na droga kung saan isinasangkot si Senador Leila de Lima.
Ayon kay Bro. Rodolfo ‘Rudy’ Diamante, executive secretary ng komisyon, sa nasabing summit kinakailangan kumuha ng mga eksperto sa penology at sa correctional na silang magiging speaker at maghahain ng mga pag-aaral, suhestiyon, at solusyon sa problema ng mga bilangguan.
Kaugnay nito, iginiit ni Diamante na napapansin din niya na sa kasalukuyan, nakasentro ang mga kinauukulan sa tila personal na interes o motibo sa halip na maghanap ng kalutasan sa mga suliranin ng mga kulungan lalo na sa New Bilibid Prison kung saan laganap ang transaksyon ng shabu.
“May suggestion nga kami magkaroon ng correctional summit to be initiated by Congress, gastusan na natin tapos tumawag tayo ng experts in penology, in correctional field…merun naman kasing nagsulat, nagsabi may consultant na tayo diyan sinasabi ito ang solusyon, ano ang practice sa ibang bansa, eh ano gaano pa ka serious, yan ang tinatrabaho namin, we are rallying all our linkages like Integrated Correctional Association of the Philippines, Action for Youth Offenders, NAPOLCOM technical committee on crime prevention and criminal justice, juvenile justice…pwede bang tumawag tayo ng summit key people then mag come out ng pag-aaral if need ng 5 days yan ok, kung kailangan ng pera ihanap natin ng pondo, and we are willing to seat in in our little resources, para ma-address na ang problema sa NBP, let us go beyond the personalities, nagsusulong sila ng political agenda na it is so personal, ginagamit nila ang kanilang posisyon to look into that, it’s about time, please go beyond yourself,” pahayag ni Diamante sa panayam ng Radyo Veritas.
Kahapon lamang sugatan ang apat na high profile inmates habang isa ang nasawi sa sinasabing isang riot sa NBP.
Kabilang sa mga nasugatan sina Jaybee Sebastian, Peter Co, Vicente Sy, at si Clarence Dongail. Habang namatay naman si Tony Co.
Ang nasabing mga bilanggo ay kabilang sa mga nais ng Kongreso na kunan ng pahayag hinggil sa drug trade sa NBP.
Simula ng maluklok sa puwesto ang Pangulong Duterte, nasa higit 1, 200 na ang napaslang na drug personalities sa operasyon ng pulisya kontra ilegal na droga.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika at ng ibat ibang institusyon ang ilegal na droga dahil sa pagsira nito sa pamilya, sa kabataan at sa lipunan.