1,717 total views
Pinaiigting ng Diocese of Pasig ang pagmimisyon sa nasasakupang kawan lalo na sa mga maralita ng lipunan.
Ito ang pahayag ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara kasunod ng paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Couples for Christ (CFC) na itinalagang mangasiwa sa mission station ng diyosesis.
Ayon sa obispo isang paraan ang mission station na maisulong ang pagmimisyon ng simbahan lalo na sa komunidad na naisasantabi sa lipunan at maipadama ang diwa ng habag, awa at pagkalinga ng Panginoon.
“The mission station established partnered with lay people is one channel to reach out to peripheries,” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng obispo na kasalukuyang Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang mission station na pangangasiwaan ng CFC ay bahagi ng San Sebastian Parish sa Pinagbuhatan Pasig City na isa sa malaking populasyon ng diyosesis na may mahigit 160-libong kawan.
Pamumunuan ng CFC lay missionaries ang mission station sa San Isidro Labrador Chapel kung saan nasa 60 porsyento ang bilang ng mga katoliko sa kabuuang populasyon ng parokya.
Naniniwala si Bishop Vergara na mahalagang mapalakas ang mga layko na binubuo ng 99 na porsyento ng mga katoliko upang maging katuwang ng mga pastol ng simbahan sa pagmimisyong pangalagaan ang sambayanan.
“Pero maganda rito ang character na gusto kong i-share yung tinatawag na perspective of lay partnership and lay empowerment in our mission stations,” ani Bishop Vergara.
Sa kasalukuyan nasa 31 ang parokya ng diyosesis kabilang na ang parokya ng Korean Community kung saan mas pinagtibay din ang paglilingkod ng Basic Ecclesial Communities o BEC sa bawat parokya.
Pinasalamatan ni Bishop Vergara si CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na naging inspirasyon upang magtayo ng mission station sapagkat unang itinatag ni Bishop David ang mission stations sa nasasakupang pamayanan katuwang ang mga layko, pari at relihiyoso.
Ginanap ang MOA signing noong July 25 sa Tahanan ng Mabuting Pastol-Sta. Clara de Montefalco Parish sa pangunguna ni Bishop Vergara, CC President and Chairman Jose Yamamoto, San Sebastian Parish Priest Fr. Felix Gutierrez, CFC Diocesan Spiritual Director Fr. Jay Dador, mga kasapi ng CFC International Council, CFC Central B Governance Team, CFC Pinagbuhatan chapter leaders, at ang SFC mission volunteer aspirants.
Ang CFC ay kinilala ng Vatican bilang Private International Association of the Faithful of Pontifical Right.