265 total views
Patuloy na binabantayan ng OCTA Research Group ang pagbaba ng COVID-19 positivity rate sa National Capital Region at iba pang lalawigan sa bansa habang papalapit ang Pasko.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang less than five percent positivity rate sa Metro Manila ay ang naaangkop at nagpapakita ng patuloy na pagbaba sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
“This is an ideal number recommended by the World Health Organization. So, ‘pag less than five percent, ibig sabihin we are testing enough and it also means na dahil bumaba ‘yung positivity rate natin all the way from 25 percent ng peak ng surge to five percent now, ibig sabihin hindi malaking factor ‘yung kakulangan sa testing. In fact, we have enough testing right now,” pahayag ni David sa Laging Handa public briefing.
Samantala, sinabi rin ni David na hindi lamang sa Metro Manila naitatala ang pagbaba ng kaso ng COVID-19, kundi maging sa iba pang rehiyon sa bansa.
Paliwanag nito na sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa buong bansa, maaaring umabot na lamang sa 2,000 kada araw ang maitalang kaso sa katapusan ng Nobyembre at posible ring magtuloy-tuloy hanggang Pasko.
“Overall, pababa na ang trend sa bilang ng kaso sa most provinces and [local government units] sa buong Pilipinas. Mukhang gumaganda na ang sitwasyon, sana patuloy na ito hanggang Pasko,” ayon kay David.
Batay sa huling tala ng Department of Health, umabot sa 3,117 ang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa na nagresulta naman sa 43,185 kabuuang bilang ng aktibong kaso.
Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang 59 na milyong dose na ng COVID-19 vaccine ang naipamahagi sa buong bansa, kung saan nasa 27-milyong Filipino na ang fully vaccinated habang nasa halos 32-milyon naman ang nakakatanggap pa lamang ng unang dose.