390 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle–Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples ang mananampalataya na isabuhay ang pagmamalasakit at pagtutulungan sa kabila ng hamon na dulot ng pandemya.
Ito ang naging pagninilay ni Cardinal Tagle sa misang ginanap sa Our Lady of the Pillar Cathedral Parish o Imus Cathedral.
Ipinagdarasal ni Cardinal Tagle na ipakita ng bawat isa ang katatagan upang malabanan ang virus sa pamamagitan ng pag-ibig at pagdadamayan sa kapwa.
“Kaya sana mabuhay sa gitna ng pandemic ang mas malalim na pagtutulungan. Ipakita natin na ang virus na ito ay kayang talunin ng mas malakas na pag-ibig at pagdadamayan ng kapwa,” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Hinikayat din ni Cardinal Tagle ang mananampalataya na ipakita ang pagtulong, pagkalinga at pagdamay sa kapwa nang walang pinipili o tinatangi.
Ipinaalala ng Cardinal na ang lahat ay magkakapatid at magkakaugnay kaya malalagpasan ang pangkalusugang krisis sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagdadamayan.
“Kaya nga ang tawag ay pandemic. Ibig sabihin ay general, apektado lahat. Ipinapakita na magkakaugnay tayo talaga. At sana ang tugon ng pagtulong, ng pagkalinga, ng pagdamay ay maging general. Magkaroon ng attitude na hindi na nagtatangi-tangi, kun’di handang tumulong. kapatid ka at ang ikagagaling mo, kabutihan din ng lahat,” ayon kay Cardinal Tagle.
Si Cardinal Tagle ang ika-apat na Obispo ng Diocese ng Imus, bago hirangin bilang Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila na naging Pangulo ng Caritas Internationalis at Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples’.