484 total views
Tanggapin ang misyon ng pagiging katiwala ng pananampalataya at kalikasan.
Ito ang hamon ni Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples, Luis Antonio Cardinal Tagle kaugnay sa pagdiriwang sa Season of Creation ngayong taon na may temang ‘A Home for All? Renewing the Oikos of God’.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang panahon ng paglikha ay tinatawagan ang bawat isa na gampanan ang mga tungkuling maging mabuting katiwala at tagapangasiwa ng mga likas na yaman ng mundo na nilikha ng Diyos.
Gayundin, sinabi ng kardinal na sa pamamagitan ng pagdiriwang na ito ay hinihimok din ang bawat isa na magpakita ng pagmamalasakit at pagmamahal sa ating kapwa lalo na sa mga higit na nangangailangan.
“Tanggapin natin ang ating misyon na maging katiwala ng pananampalataya. At ngayon pong Season of Creation, yan po ang ating papel, maging mabuting katiwala ng kalikasan na regalo ng Diyos. Maging mabuting katiwala ng bawat isa bilang magkakapatid at lalo’t higit maging mabuting katiwala ng pananampalataya na ipinamana sa atin ng ating mga ninuno sa pananampalataya.” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle sa isinagawang banal na misa sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar o Imus Cathedral.
Samantala, nabanggit din ni Cardinal Tagle na marahil ang umiiral na coronavirus pandemic ay paraan ng Diyos upang maipabatid na ang kalikasan at ang buhay ng tao ay tunay na magkaugnay.
Dagdag pa ng opisyal ng Vatican na ang paggunita sa Season of Creation ay hindi lamang proyekto kundi paanyaya sa bawat isa na manumbalik at muling isabuhay ang mga aral at turo ng Panginoon hinggil sa pangangalaga sa sangnilikha.
“Kaya sana maging pang-gising sa atin ito. At bilang mga kristiyano… hindi lamang ito project, ito ay espiritwalidad. Kasama ito sa pananampalataya… sa ating pananagutan sa lumikha… sa pagsunod kay Hesus… sa ihip ng Espiritu-Santo,” ayon kay Cardinal Tagle.
Dito sa Pilipinas, ang Diyosesis ng Imus ang unang naglunsad ng Season of Creation noong taong 2009 sa pangunguna ng noo’y Obispo ng Imus na si Cardinal Tagle.
Ito ang nagbunsod sa iba pang Diyosesis sa bansa na isagawa rin ang paggunita sa panahon ng paglikha bilang pagkilala sa likas na yamang handog ng Diyos sa sangkatauhan, gayundin ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Sa buong mundo, ipagdiriwang ang Season of Creation sa buong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre 4 – kapistahan ni San Francisco ng Assisi, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang sa Oktubre 10 bilang paggunita sa Indigenous People’s Sunday.