358 total views
Pag-aalaga at pagmamalasakit at hindi takot ang kinakailangang iparamdam sa mga taong may sakit ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang pagbabahagi ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa Radio Veritas sa kanyang naging karanasan nang magpostibo siya sa sakit na COVID-19.
“Tayo naman na malakas, tulungan natin yung mga nagkakasakit. Alam ninyo, malaking tulog ‘yung pagtetext sa kanila, malaking tulong rin ‘yung pagpapaalala sa kanila. Minsan ‘yung pagbibigay ng mga prutas at mga pagkain ay nakakapagpagaan ng loob sa mga taong may sakit. Sa panahong ito, kailangan nila ng contact hindi man physical contact, ngunit contact ng pag-aalaga at pagmamalasakit.” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo
Matatandaang ika-23 ng Hulyo ng humiling ng panalangin si Bishop Pabillo sa mga mananampalataya matapos na magpositibo sa COVID-19 sa isinagawang RT-PCR.
Sa pagbabahagi ng Obispo, inilahad nito ang kanyang karanasan at pinagkaabalahan nung siya ay sumailalim sa quarantine.
“Nung lumabas ang swab test result, ako ay isolated na sa aking kwarto at ‘yan po ay tumagal ng mga halos dalawang linggo. Pagkatapos po noon ay nagpaswab test ulit ako at lumabas na negative na pero nanatili pa ako sa kwarto ng mga isang linggo bago ako makapagmisa. Wala naman akong nararamdaman sa aking sarili. Araw-araw kinukuha ko ‘yung temperature ko, pinagmamasdan ang aking sarili at sa awa ng Diyos wala naman akong nararamdaman. Alam ko lang na may sakit ako dahil sinabi lang ng test.” paglalahad ni Bishop Pabillo
Aniya, nakatulong rin ang social media at teknolohiya upang maipagpatuloy niya ang kanyang gampanin bilang Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila.
Dagdag pa ng Obispo, bagama’t nakakapagmisa siya mag-isa nang siya ay naka-isolate, pinakakinasabikan niyang gawin ay ang pagmimisa sa harapan ng tao.
Inialay rin ng Obispo ang kanyang Misa sa Veritas bilang pasasalamat sa mga nagdasal para sa kanyang kagalingan at sa kagalingan ng mga Filipino at fronliners na dumaranas ng sakit.
“Ako po’y nagpapasalamat sa inyong lahat sa inyong panalangin nung ako ay nagkasakit at salamat sa Diyos na napagtagumpayan ko itong sakit na ito, kaya inaalay ko po ang Banal na Misa bilang pasasalamat at kasama na rin sa lahat ng inyong mga intensyon at patuloy pa natin ipagdarasal ang mga nahihirapan, ang mga may sakit at ang ating mga frontliners.” mensahe ni Bishop Pabillo