234 total views
April 7, 2020, 11:11AM
Umaasa ang dating opisyal ng Radio Veritas na malutas ang krisis na dulot ng corona virus disease sa lalong madaling panahon sa tulong ng habag at awa ng Panginoon.
Sa pagninilay ni Reverend Father Larry Faraon dating general manager ng himpilan at kasalukuyang priest anchor ng Healing Touch Sunday edition, binigyang diin nito na oras ang kalaban sa pagsugpo ng COVID 19 sapagkat mabilis ang pagkalat nito sa buong daigdig kaya’t bukod tanging Diyos lamang ang makapagpapahinto nito.
“Maso-solve itong krisis na ito [COVID 19] in His [God] time, sa oras ng Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Faraon.
Ipinaliwanag ng pari na sa 3T’s (Time, Talent, Treasure) na maaring ibahagi ng tao sa paglilingkod sa simbahan at sa Diyos, bukod tanging oras lamang ang maiaalay ng tao sa kasalukuyan sapagkat kanselado ang lahat ng mga pagtitipon sa buong bansa dahil sa mahigpit na panuntunan na ipinatupad ng gobyerno.
Dahil dito, hinikayat ni Fr. Faraon ang bawat mananampalataya na gamitin sa mabuting pamamaraan ang oras na ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalago ng ugnayan sa pagitan ng mga kasapi ng pamilya at higit sa lahat ang pakikipag-ugnayan sa Diyos.
“We offer our best [time] to the Lord, dapat palaging best time ang ibibigay natin sa Kanya,” pagpapatuloy ng pari.
Pinaalalahanan ni Fr. Faraon ang bawat isa na mahalaga ang oras ng bawat tao sapagkat ito ay biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan na hindi maaring balikan kung lilipas.
Kasalukuyang pinaiigting pa ng gobyerno ang pagtugon sa pagsugpo ng COVID 19 sa Pilipinas kung saan sa kasalukuyang tala umabot na sa mahigit tatlong libo ang bilang ng nagtataglay ng virus sa bansa.
Sa kabila naman ng panganib sa kalusugan, patuloy naman ang pagkilos ng simbahang katolika sa pangunguna ng mga social action arm nito tulad ng Caritas Philippines, Caritas Manila at mga arkidiyosesis at diyosesis sa bansa sa pagbibigay ng ayuda sa mga dukhang labis na naapektuhan sa ipinatupad na enhanced community quarantine na pinalawig pa hanggang ika-20 ng Abril, 2020.