410 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang lahat na makibahagi sa dalawang webinar hinggil sa mga dapat malaman ng publiko sa pagpapabakuna laban sa coronavirus disease.
Ito ay ang Ating Alamin: Bakuna sa COVID-19 na isasagawa sa Marso 1 at 4 sa ganap na 10:00 ng umaga hanggang 12 ng tanghali.
Layunin ng nasabing webinar na hikayatin ang publiko na makiisa sa panawagan ng pamahalaan at simbahan na magpabakuna laban sa virus upang tuluyan nang mahinto at hindi na lumaganap pa ang virus..
Kabilang sa mga magiging tagapagsalita sina Dr. Nina Castillo-Carandang, member ng World Health Organization Social Science Working Group on COVID-19 at si Dr. Nina Gloriani, ang chairman ng Department of Science and Technology Vaccine Expert Panel for COVID-19.
Gayundin sina Dr. Maria Cristina Alberto na isang Community Pediatrician at Founder ng Hope In Me Club; at Dr. Jemelyn Garcia mula sa Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases.
Magbabahagi rin sa nasabing webinar ang Chairman ng CBCP-Healthcare Ministry Naval Bishop Rex Ramirez; Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo; CBCP President Davao Archbishop Romullo Valles; at CBCP Vice President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Samantala, makikipagtulungan naman ang Diocese ng Balanga, Bataan sa pamahalaang panlalawigan nito upang makakuha ng COVID-19 Vaccine para sa kanilang mga kaparian at iba pang kasamahan sa Diyosesis.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos na mamamahagi rin ang Diyosesis ng libreng COVID-19 Vaccine para sa mga nais kumuha nito at inialok na bukas ang mga simbahan at paaralan bilang lugar ng pagdadausan ng pagpapabakuna sakaling kailanganin ng lokal na pamahalaan.
Inaasahang makakatanggap ang Pilipinas ng higit sa 5-milyong doses ng COVID-19 Vaccines sa unang quarter ng taon habang inaasahan naman ang pagdating pa ng karagdagang 24 na milyong doses sa ikalawang quarter.