404 total views
Nagsisilbing ‘wake-up call’ sa bawat tao ang patuloy na pagkalat ng novel coronavirus sa lipunan.
Ayon kay Novaliches Bishop Robert Gaa, dahil sa panganib at pangambang dulot ng virus na ang bawat isa ay nalalapit sa katotohanan ng kamatayan.
‘Itong covid na ito parang inilapit sa atin ang katotohanan na ‘y un (kamatayan) at sinabi sa atin ‘ano ba ang priorities mo? At ito ang desisyon na dapat nating gawin every day, ilagay sa tama ang priorities natin. Kaya yung kailangan nating patawarin, ‘yung kailangan na mas matindi ang pagmamahal natin ay gawin na natin ngayon ‘wag na nating ipagpaliban ‘yun,’ ang pahayag ni Bishop Gaa sa programang Pastoral visit on-the-air ng Radio Veritas.
Giit ng obispo, nawa ang bawat isa ay maging bukas sa katotohanang ito upang ipagpatuloy ang buhay ng may kaganapan.
Ipinagdarasal ni Bishop Gaa na ang bawat isa ay gamiting pagkakataon ang pandemya bilang paalala na mas bigyang tuon ang mga bagay na mahahalaga lalu na ang ating ugnayan sa Panginoon at mga mahal sa buhay.
Una na ring nanawagan si Bishop Gaa sa publiko na magpabakuna bilang karagdagang pananggalang laban sa covid-19.
Habang binuksan din ang mga parokya na magsilbing ‘vaccination site’ upang tulungan ang pamahalaan na mapabilis ang pagbibigay ng bakuna sa publiko.