375 total views
Umaasa si Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na higit na pagpalain at biyayaan ng Panginoon ang bawat isa sa pagsisimula ng bagong taong 2021.
Ito ang bahagi ng panalangin at mithiin ng Obispo na siya ring National Director ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines kaugnay sa pagtatapos ng 2020 na nabalot ng iba’t ibang mga pagsubok at hamon para sa bawat isa.
Sa mensaheng ipinaabot ni Bishop Bagaforo sa Veritas Patrol ay ibinahagi ng Obispo ang kanyang 4 na hiling at panalangin para sa bagong taong 2021.
Kabilang sa mga panalangin ng Obispo ay ang matagumpay, masaya at makahulugang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng Kristyanismo sa Pilipinas na mahigit siyam na taong pinaghandaan ng Simbahan sa bansa.
Panalangin rin ni Bishop Bagaforo ang ganap na pagiging matapat, makatao at maya-Diyos na sambayanang Filipino lalo’t higit ng pamahalaan upang higit na mangibabaw ang pagkakapantay-pantay at kasaganahan para sa lahat.
Binigyang diin rin ng Obispo ang mariing pagtutol sa mga isinusulong na DEATH Laws sa bansa na makasisira sa kasagraduhan ng buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat nilalang kabilang na ang divorce law, euthanasia, abortion at same sex marriage.
Sa huli ipinapanalangin ni Bishop Bagaforo ang tuluyang pagsugpo sa Coronavirus Disease 2019 pandemic sa bansa na nagdulot ng malawakang krisis hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa ekonomiya at buhay ng bawat mamamayan.
Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo’s 4 wishes and prayers for new year 2021:
1. Matagumpay, masaya, makahulugan at banal na celebration of the 500 Year of Christianity.
2. Malinis, matapat, makatao at maka-Diyos na pamahalaan at Sambayanan.
3. Tutulan at tanggihan ang DEATH laws (divorce, euthanasia, abortion, total population control, homosexual marriages).
4. COVID free Philippines.
I pray fervently that God smiles on us this 2021.