2,405 total views
Pinuri ng Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP ang naging pagkilos ng Department of Labor and Employment laban sa malalaking fast-food chains sa Pilipinas na lumalabag sa karapatan ng mga mangagawa.
Ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, ipinapakita lamang nito na kung talagang nanaisin ng mga ahensya ng pamahalaan na higpitan ang kanilang mandato ay hindi imposibleng maipatupad ang mga ito.
“Kino-congratulate natin ang Department Of Labor and Employment na kapag gusto pala nilang gawin yung kanilang trabaho, i-check yung kalagayan ng ating mga mangagawa, ay kaya pala nilang gawin. Kaya dito, sa inspection na kanilang ginawa ay nakita nila na yung Jolibee at Burger King ay napakarami nang violation,” bahagi ng pahayag ni Tanjusay sa Radyo Veritas
Ilan sa mga nadiskubre ng DOLE na ginawang paglabag ng mga naturang fast-food chains ay ang pagkakaroon ng illegally collected payments, hindi pagbabayad ng holiday pay at iba pang benefits ng mga empleyado at ang libo-libong endo workers na napakaliit lamang ng sweldo.
Samantala, dahil sa sinimulang mga pagsisiyasat ng DOLE, ipinangako ng ALU-TUCP na hindi mananahimik ang kanilang grupo at magpapatuloy sa pagsasagawa ng mga pagkilos upang ipagtanggol ang mga karapatan ng mga manggagawa.
Sa Social Doctrine of the Church, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan kinakailangang na ang kitang ito ay nakakamit sa malinis na pamamaraan nang hindi nasasakripisyo o naaapektuhan ang karapatan ng mga manggagawa.