166 total views
Inihayag ng Department of Labor and Employment na nasa halos 15 hanggang 20 porsyento na sila sa pagpapasara ng mga kumpanyang nagpapatupad ng “End of Contract” o ENDO.
Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III nakakalap na ito ng impormasyon sa mga regional offices nito ukol sa mga kumpanyang nagpapatupad ng kontraktwalisasyon.
Siniguro naman ni Bello na matutupad ang kanilang pangako sa taumbayan na pababain sa mahigit 50 porsiyento ang bilang ng mga kontraktwal na manggagawa bago matapos ang taong 2016.
“I have consulted our regional directors at nakapag – solicit na sila ng halos 15 hanggang 20 porsyento ng mga kumpanya na nagpapatupad ng ENDO na napahinto. Sinabi ko sa kanila na huwag silang tumigil hangga’t hindi nila naaabot ang aming target na 50 porsyento na wala ng ENDO bago matapos ang taong 2016.”
Nabatid na mahigit nang 90% ng mapapasukang bagong trabaho sa Pilipinas ay kontraktwal.
Habang batay naman sa datos ng Philippine Association of Legitimate Service Contractors, Inc. o (PALSCON) nasa 850,000 na ang mga manggagawang kontraktwal sa buong bansa nitong 2016.
Mariin namang tinututulan ng Simbahang Katolika ang kontraktwalisasyon dahil sinisira nito ang paglago ng tao sa kanyang paggawa.