224 total views
March 28, 2020, 9:29AM
Nilinaw ng Simbahang Katolika na pinahihintulutan ang cremation ng mga yumaong mahal sa buhay kaakibat ng ibayong paggalang sa katawan ng tao.
Ayon kay Reverend Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs, may mga kondisyon ang simbahan bago at matapos ang pagsunog ng bangkay alinsunod na rin sa kautusan at napagkasunduan ng Simbahang Katolika.
“Before cremation, mass or blessing should be done for the deceased,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sa kasalukuyang krisis na dulot ng pandemic corona virus disease 2019 (COVID 19), malaking porsyento sa mahigit 27 libong kataong nasawi sa buong mundo ang sumailalim sa cremation para na rin sa kaligtasan ng iba lalo na ng pamilyang naiwan mula sa nakahahawang virus.
Sa kautusang inilabas ng Congregation for the Doctrine of Faith ng Vatican noong 2016, nilinaw ni Cardinal Gerhard Muller, ang Prefect ng tanggapan na bagamat mas kanais-nais ang paglilibing ng mga bangkay sa tradisyonal na pamamaraan, hindi naman isinasantabi ng simbahan ang cremation subalit mahigpit na ibinilin ang pag-iwas sa nakaugaliang pagtatapon ng abo sa iba’t ibang lugar.
Sinabi rin ni Fr. Secillano na dapat ilagay sa nararapat na lugar ang urna na pinaglagyan ng mga abo bilang pagpapahalaga sa kasagraduhan ng katawan ng tao.
“After cremation, ashes should not be kept in houses or strewn anywhere, but must be placed in an urn to be interred,” saad pa ng opisyal ng CBCP.
Kaugnay dito mas hinikayat ni Cardinal Muller ang mananampalataya na gawin ang tradisyonal na paglilibing ng mga yumao sapagkat maituturing itong isang corporal works of mercy at paggunita sa paglibing ng Panginoong Hesus.
Nilinaw ni Fr. Secillano na nakahanda ang simbahan na mag-alay ng misa sa mga yumaong biktima ng COVID 19 bago mailibing o susunugin ngunit kung hindi maaari dulot ng usaping pangkalusugan maaring ang pamilya ang mag-alay ng mga panalangin sa namayapa at isasama na lamang sa mga pamisa ng Simbahan.
“In light of COVID 19, families’ of the deceased may either request for such blessing or mass but if it is physically impossible to do, they themselves may pray over the deceased and ask their pastor to include the eternal repose of the deceased in their mass intentions,” giit ni Fr. Secillano.
Sa pinakahuling tala mahigit kalahating milyon na ang bilang ng mga nagtataglay ng COVID sa halos 200 mga bansa kung saan 27-libo rito ang nasawi habang higit sa isandaang libo naman ang gumaling mula sa karamdaman.
Sa Pilipinas, 54 katao na ang nasawi sa pandemic.