531 total views
Higit na napinsala ng pananalasa ng bagyong Florita ang hekta-hektaryang pananim ng mga magsasaka sa Baggao, Cagayan.
Ayon kay Monsignor Gerry Perez, kura paroko ng Saint Joseph the Worker Parish na aabot sa 800 ektarya ng palayan at 12-libong ektarya ng maisan ang napinsala ng nagdaang bagyo.
“Ang mga farmers po kawawa na naman. According sa Baggao Municipal Agricultural Office ay 30 percent po ng palayan ay nasira at 40 percent naman po sa corn fields. So, medyo malaki-laki ‘yung area na badly damage dahil sa Bagyong Florita,” pahayag ni Msgr. Perez sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Sinabi naman ni Msgr. Perez na kasalukuyan nang namamahagi ng crop insurance ang lokal na pamahalaan ng Baggao upang matugunan ang pangangailangan ng mga higit na apektadong magsasaka.
“Ang magandang balita ay may crop insurance kaya panay pini-picture nila ‘yung mga nasirang palayan at dumadagsa ang mga farmers ngayon sa municipal office ng agriculture. Kasalukuyang inaayos ng Baggao LGU kung papaano nila tutulungan ang mga farmers affected by Typhoon Florita,” ayon kay Msgr. Perez.
Samantala, wala namang gaanong naitalang pinsala sa simbahan at mga paaralan sa Baggao.
Batay sa ulat ng Department of Agriculture, tinatayang nasa ₱194-million ang halaga ng iniwang pinsala ng Bagyong Florita sa sektor ng agrikultura.