1,868 total views
Idinaos ng Church People and Workers Solidarity (CWS) ang general assembly at relaunching ng CWS – National Capital Region (CWS-NCR) sa San Pancracio Parish La Loma cemetery compound Caloocan City.
Tema ng general assembly ay “Mga Taong Simbahan at mga Manggagawa! Magkaisa! Kamtin ang Dignidad sa Paggawa at Karapatan ng mga Obrero”.
Layon nitong muling paigtingin ang pakikiisa ng simbahan sa mga manggagawa sa pagkilos at pananawagan upang makamit ang wastong suweldo, pantay na benepisyo at katarungang panlipunan.
Naihalal sa pagtitipon si Father Noel Gatchalian, Parish Priest ng Christ Risen Lord Parish sa Tondo Manila na bagong Chairman ng CWS-NCR.
“Napag-usapan po namin na pagtibayin ang pagkikiisa ng taong-simbahan sa mga manggagawa at ito po ang relaunching ng CWS-NCR, ibig sabihin matagal po siyang tumigil dahil sa mga repression, ngayon po ay pinagtibay na po namin na itatag itong muli at pagtibayin dito sa Greater Manila,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Gatchalian.
Nanawagan naman ang Pari sa mananampalataya na bukod sa pagdarasal ay makiisa sa mga pagkilos at pananawagan ng mga manggagawa.
Ikinagalak din ni Father Noel ang pakikibahagi ng mga manggagawa mula sa ibat-ibang sektor sa isinagawang general assembly upang ibahagi ang mga saloobin at panawagan sa pamahalaan at higit na sa kanilang mga employers.
Bunsod ng patuloy na pagtaas ng inflation rate na dahilan sa pagbaba ng halaga ng suweldo ng mga manggagawa ay unang isinulong ng ibat-ibang labor groups ang pagtatakda ng nag-iisang national minimum wage sa 33-libong piso.