2,457 total views
Muling nagpahayag ng pagkundina ang Commission on Human Rights (CHR) sa patuloy na pag-iral ng ‘culture of vigilantism’ sa bansa.
Ayon sa Komisyon sa Karapatang Pantao sa Pilipinas, hindi katanggap-tanggap ang paglalagay ng batas sa sariling mga kamay kung saan naisasantabi ang mga karapatan at dignidad ng kapwa.
Ipinaliwanag ng CHR na kinakailangang dumaan sa naaangkop na proseso ng batas ang lahat ng mga nasasakdal sa anumang kasalanan na naglalayong magkaroon ng tamang paglilitis at pagpapataw ng kaukulang kaparusahan.
“CHR denounces this culture of vigilantism, including any attempt to subdue the rule of law and other human rights, such as the right to due process and right to life, liberty, and security.” Ang bahagi ng pahayag ng CHR.
Ang pahayag ng komisyon ay kaugnay sa natagpuang mga putol na kamay ng hindi pa nakikilang biktima sa Bacolod City noong ika-26 ng Enero, 2023 kung saan kalakip ng pinaglalagyan ng mga ito ang isang papel na mayroong listahan ng mga pangalan ng dating drug crime offenders, mga napalaya sa pamamagitan ng parol, mga nasa ilalim pa ng probation at mga nakatakdang sumailalim sa drug rehabilitation.
Nasasaad din sa naturang listahan ng mga pangalan ang isang babala ng karahasan.
“The Commission on Human Rights (CHR) condemns the mutilation of a missing unknown victim whose severed hands were discovered in a trash bag found in Bacolod City on Thursday, 26 January 2023.The hands were sealed in an ice cream container containing a note listing the names of several residents of Barangay 2, Bacolod City, some of whom were former offenders of drug crimes or released on parole and probation, while others are scheduled to undergo drug rehabilitation. The note included a threat saying, “Lahat kayo kung hindi titigil, raffle lang ito (If everybody won’t stop, this is just a random pick).”Dagdag pa ng CHR.
Nagsasagawa na ang CHR Region VI ng independent motu proprio investigation sa nasabing kaso.
Binigyang diin naman ng CHR na bagamat buo ang suporta ng kumisyon sa patuloy na mga programa at inisyatibo upang mawakasan na ang talamak na kalakalan ng ilegal na droga sa bansa ay nananatili naman ang panawagan at paninindigan ng kumisyon sa nararapat na pagbibigay halaga sa dignidad at karapatang pantao ng bawat isa.
Kaugnay nito, umaasa ang CHR na mas maging epektibo, mapayapa at makatao ang panibagong programa ng pamahalaan laban sa ilegal na droga na “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan or BIDA program”.
Matatandaaang, una nang nagpahayag ng pangamba ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay ng paglaganap ng vigilantism sa bansa partikular na sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.