253 total views
Umaasa si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na muling mapag-aaralan at masusuri ang nasasaad sa “curfew ordinance” matapos pansamantalang suspendihin ng Korte Suprema ang implementasyon nito sa Maynila, Quezon City at Navotas.
Ayon sa Obispo, dapat ring ikonsidera ng mga otoridad at mga mambabatas ang reyalidad ng modernong panahon partikular na ng mga estudyanteng hindi maiwasang gabihin ng pag-uwi sa kanilang mga tahanan.
“Dapat pag-usapan pa ng maayos itong mga TRO sa curfew kasi totoo iba na yung reyalidad ngayon maraming estudyante gabi na umuuwi, mayroon tayong mga iba pang mga lakad so dapat tingnan na hindi naman masyadong ma-pertail ang freedom ng mga kabataan. Tingnan ano ba talaga yung tinututulan ng curfew at ayaw ng Supreme Court at ayusin siguro ng batas,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, nanawagan rin ang Obispo sa mga kabataan na sumunod sa batas at mga alituntuning ipinatutupad sa pamayaman na naglalayung mapabuti ang kapakanan ng bawat isa.
Kasabay ng Temporary Restraining Order sa isinampang petisyon ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), inatasan rin ng Supreme Court ang mga lokal na opisyal ng tatlong lungsod na maghain ng komento kaugnay sa nasabing petisyon.
Paliwanag ng mga mahistrado, ang ginagawang pagdeditine sa mga menor de edad gamit ang curfew ordinance ang pinag-aaralang iligal sa pagpapatupad ng Manila City Ordinance No. 8046, Quezon City Ordinance No. SP-2301 at Navotas City Ordinance No. 2002-13.
Partikular na nakasaad sa isinampang petisyon ng grupo ang paglabag ng tatlong lungsod sa Republic Act (RA) No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act kung saan hindi maaring iditene ang mga kabataang edad 18 taong gulang pababa.