216 total views
Ang pagkakaisa ng mga kababaihan ay magbubunga ng dakilang bagay.
Ito ang inihayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr., sa launching mass para sa paglulunsad ng paghahanda sa ika-100 taon ng Catholic Women’s League o CWL sa taong 2019.
Naniniwala ang Obispo na sa pamamagitan ng pinagsama-samang lakas ng mga kababaihan ay magiging malakas itong impluwensya sa lipunan.
“Women in league with each other can accomplish many things that are either good or bad. In the case of the Catholic Women’s League, you are in League with each other for something very beautiful, so that you want to become indeed disciples of the Lord and Missionary Servants’ Disciples practicing Charity, Work and Loyalty.” bahagi ng Homiliya ni Bishop Bacani.
Hinikayat ni Bishop Bacani ang mga miyembro ng CWL na impluwensyahan ang kanilang asawa, mga anak, o mga apo upang maging mas mabuting kristiyano at tagapaglingkod ng simbahan.
Iginiit nito na sa pamamagitan ng ganitong impluwensiya ng CWL ay makapagdadala ang grupo ng mabuting pagbabago sa lipunan.
“You can help your husband, your sons, your grandchildren, become people who will also serve the Lord in the society that we live in and which is unfortunately is not the society that we all desire to have in our lifetime,” Bahagi ng homiliya ni Bishop Bacani.
Hinimok din ng Obispo ang mga miyembro ng CWL na tulungan ang simbahan upang madagdagan ang mga Pari, Relihiyoso at relihiyosa.
Pagbabahagi ng Obispo, maaaring magkaroon ang CWL ng mga espesyal na proyekto upang maging mabuting mga pari at madre ang mga nagtalaga ng kanilang sarili, lalo na ngayong ipinagdiriwang ng Simbahan ang Year of the Clergy and Consecrated Persons.
“Napakalaki ng magagawa ninyo sa pagdami ng mga kaparian at mga people in consecrated life… You can have special projects in order to help people become good Priests, to help other people consecrated to the Lord and live their Consecration in the Mission that they do for the Church and for our Society.” Dagdag pa ng Obispo.
Sa kabuuan mayroon nang mahigit sa 250,000 ang mga miyembro ng Catholic Women’s League.
Itinatag ito noong Oktubre taong 1919, kaya naman puspusan na ang paghahanda nito para sa ika-100 Anibersaryo ng kanilang Organisasyon.