203 total views
Tiniyak ng Catholic Women’s League na mananatiling lingkod ng Simbahang Katolika ang kanilang hanay at nakasusunod sa mandato at pangaral ng Simbahan.
Ayon kay Dr. Rosa Rita Mariano, National President ng CWL, mas pinalalakas at pinatatag ang kanilang grupo upang maging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.
“We follow the mandate of the Church and we continue to become Servants of the Church.” bahagi ng pahayag ni Mariano sa Radio Veritas. Sa paglunsad ng Centennial Year ng grupo noog Sabado ika – 4 ng Agosto, inihayag nito ang mga programang makatutulong sa bawat mananampalataya.
Nakabatay ang year-long activities ng grupo sa salitang HOPE o Holiness, Outreach, Pastoral involvement at Empowerment.
Paliwanag ni Mariano na binibigyang pansin ng CWL ang pagpapakabanal sa mga kasapi at ng buong komunidad.
Ito’y sa pamamagitan ng programang tumutugon at inaabot ang mga nangangailangan sa lipunan, pakikibahagi sa misyon ng bawat parokya at pagpapalakas sa mga programang pangkalikasan sang-ayon sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si upang mapangalagaan ang karaniwang tahanan ng mamamayan.
Bukod ditto, nanindigan din ang CWL laban sa pagsasabatas ng Death penalty at Reproductive health Law na taliwas sa turo ng Simbahang Katolika tungkol sa kabanalan at pagpapahalaga sa dignidad ng buhay ng tao.
Dahil dito, may mga programa ang grupo na nagpapaliwanag sa natural family planning upang maibahagi ang wasto at sapat na kaalaman sa pagpaplano ng pamilya na hindi gumagamit ng contraceptives.
Giit ng pangulo ng CWL na kapag nalalaman ng mga mag-asawa ang tamang pagpaplano ay magiging ganap at matagumpay ang paglaban sa reproductive health law.
Samantala, Oktubre taong 1919 nang mabuo ang CWL sa pangunguna ni His Excellency Michael O’ Doherty upang mangangalaga sa espirituwal at moral na pamumuhay ng mga kabataan, kababaihan at mga young professional lalo na noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Sa kasalukuyan nasa 250 – libo na ang kasapi ng CWL sa buong Bansa sa 84 na mga Diyosesis.