22,584 total views
Matagumpay na naidaos ng Church People Workers Solidarity ang CWS FORUM sa Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto.
Sa pagtitipon ay nakipagdiyalogo ang CWS sa ibat-ibang kalipunan ng mga manggagawa sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas upang malaman ang mga suliranin sa suweldo at benepisyo.
Nalaman sa talakayan na mababang suweldo, hindi pantay na benepisyo, kontrakwalisasyon, karahasan sa lugar ng paggawa, paniniil ng mga employers, hindi makatarungang justice system at red-tagging ang mga pangunahing suliranin na nararanasan ng mga manggagawa.
“Kaya ang Tema natin sa pagtitipon na ito ay ‘Strengthen Workers and the Church People Commitment and Action to Workers Rights and Welfares’, kaya po inaasahan natin na mapunuuan ang ating kaalaman, partikular sa usapin ng sahod, dangal sa paggawa at ang karapatan ng mga manggagawa at ng sa ganon ay mailapit natin ang ating sarili sa mga realidad na makikita at makikibaka,” ayon sa mensahe ni Sr.Maria Lisa Ruedas, DC na CWS-National Capital Region Convenor.
Dumalo sa forum ang Kilusang Mayo Uno, Manila All Workers Unity, Labor Alliance for National Development Land at Defend Job Philippines.
Kinilala naman ni KMU Executive Secretary Jerome Adonis ang patuloy na pakikiisa ng simbahang katolika sa mga adbokasiyang isinusulong ang kapakanan ng mga manggagawa.
Ito ay dahil sa tulong ng simbahan, napapalakas ang mga panawagan ng pagbabago at reporma sa pamahalaan upang makamit ang mga kagayang apela sa pagtataas ng suweldo.
“Sa maraming strike ng mga manggagawa, kasama natin ang mga taong simbahan,dahil tayong mga manggagawa ay naniniwala na yung ating ipinaglalaban ay hindi maipagwawagi ng uring manggagawa lang, naniniwala tayo na mahalaga para magwagi tayo, yung ating pakikibaka ay kailangan natin isalin sa laban ng ibat-ibang sector at ng buong bayan, buhayin po natin yung mga ganung tradisyon dahil yun ang kinakailangan,” ayon sa mensahe ni Adonis.
Una naring nakiisa ang Manila Archdiocesa Ministry for Labor Concern sa mga apela na itakda sa 1,170-pesos ang minimum wage na kapantay ng family living wage na pag-aaral ng Ibon Foundation upang makasabay ang gastusin ang kita ng mga manggagawa.