1,691 total views
Kinilala ng Church People Workers Solidarity – National Capital Region (CWS-NCR) ang pagbisita ni International Labor Organization (ILO) Director-general Gilbert Houngbo sa Pilipinas.
Ayon kay Father Noel Gatchalian – CWS-NCR Chairman, sa tulong ng nakatakdang pakikipagdiyalogo ng opisyal ay mapapalakas ang apela ng mga manggagawa sa bansa.
Ito ay upang makamit ng sektor ang katarungang panlipunan na itataas ang suweldo, pagkakamit ng wastong benepisyo at titiyakin ang kaligtasan sa mga lugar ng paggawa.
“Alam mo ang mga Pilipino, hindi naman sila humihingi ng luho basta magkaroon lang sila ng makakain at kabuhayan at buhay na simple, hindi naman humihingi ng luho ang mga Pilipino pero yung bagay na kailangan ay hindi naibibigay ng ating pamahalaan kaya ako ay dumadalangin na sana makinig ang ating president na namamahala para tugunan ang hinaing ng katarungan ng ating mga manggagawa.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Gatchalian.
Giit pa ng Pari, napapanahon ang pagsusulong sa kapakanan ng mga manggagawa upang sama-samang matugunan ang mga suliranin sa ekonomiya.
Ito ay dahil ang mga manggagawa ang mahahalagang pundasyon ng ekonomiya.
“Napakaganda ang pagdating ng president ng ILO upang makipagdiyalogo sa ating gobyerno, sana nga ay maging matagumpay ito dahil ang pangangailangan ng ating kapwa Pilipino ay trabaho, sana naman matupad na sana dinggin ng ating gobyerno, kasi alam po natin na medyo manhid ang gobyerno, hindi naman dapat na ating mga kapwa Pilipino ay mangibang bansa para magkatrabaho, magkaroon ng disenteng sahod.” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Sa pagbisita ni Houngbo, makikipagpulong ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, Kalihim ng mga kagawaran na may kaugnayan sa paggawa, grupo ng manggagawa at maging sa kalipunan ng mga pribadong kompanya.
Inaasahan na isulong ni Houngbo ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa sa bansa, partikular na ang katarungang panlipunan, dignidad, pag-ahon sa kahirapan, maayos na suweldo at trabaho para sa mga manggagawa.