254 total views
Digital na, kapanalig, ang marami nating mga gawain ngayon. Dati rati, lagi tayong over the counter ang transaksyon sa bangko, sa mga pamilihan, sa mga restaurants. Ngayon, kahit na nga palengke, online na rin.
Dahil sa pandemya, napabilis ang shift natin sa digitalization. Dahil sa teknolohiyang ito, nagpatuloy ang pag-aaral ng ating mga estudyante, nagpatuloy ang trabaho ng marami, at ang merkado ay namayagpag. Sa katunayan, patuloy na tumataas ang bilang ng mga online shoppers sa bansa. Tinatayang tumaas ng halos 20 percentage points ang online purchases sa ating bansa as of May 2020. At kahit pa mawala na ang pandemya, isang survey mula sa Global Web ang nagsasabi na mga 48% pa ang magpapatuloy sa pag-o-online shopping. Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang pinagsamang PESONet and Instapay transactions nitong Abril ay mas mataas ng 276% pagdating sa volume o dami, at 127% pagdating sa value o halaga kumpara noong Abril 2020.
Mas dadami pa nga ang digital transactions sa ating bansa sa darating na panahon. Mas mabilis kasi ito, iwas pila, iwas sakit. Kaya lamang, ligtas man tayo sa hawaan sa sakit dahil sa digital transactions, ligtas ba ang ating pag-galaw at pera dito?
Kapanalig, ang digital security ay kailangan paigtingin sa ating bayan. Ang ating merkado, trabaho, at pag-aaral ay lumipat na sa platapormang ito. Kailangan makahabol hindi lamang ang imprastruktura, kundi ang manpower na kailangan upang masiguro ito. Lalo pa ngayon, ayon sa ASEAN Cyber Threat Assessment 2021 ng Interpol, kung kailan multi-billion dollar industry na ang cybercrime.
Kailangan palakasin natin ang kakayahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang epektibo nitong maharap ang mga isyu ng cybersecurity sa bansa. Sabay dapat dito ang pagpapalakas din ng tauhan at equipment ng NBI at ng kapulisan upang ang kanilang mga cyerbcrime divisions ay laging handa at epektibo. Makabagong practice at pasilidad ang kailangan nila, kapanalig. Pagdating sa digital crimes, maaring kasama dito ang mga malalaking sindikato na nangunguna sa mga internet-wide frauds.
Ang cybersecurity ay isa sa mga temang kailangan nang iprayoridad ng ating bansa. Ang pagsisiguro nito ay ay pagsisiguro ng kaligtasan ng mga mamamayan at lipunan na humahanap ng paraan upang mapasulong ang merkado, ang edukasyon, at trabaho ng tao. Ang pagpapa-igting ng cybersecurity sa bansa ay kabutihan para sa lahat – it is a common good, a public good. At ang common good, ayon sa Mater et Magistra, ay nagbibigay daan sa kaganapan o fulfillment at ng ating purpose at potensyal. Dapat natin itong palakasin at paka-ingatan.
Sumainyo ang Katotohanan.