337 total views
Nakatakdang bibisita ang Kanyang Kabanalan Francisco sa Cyprus at Greece sa Disyembre.
Sa anunsyo na inilabas ni Holy See Press Office Director Matteo Bruni may imbistasyon ang Santo Papa sa mga nabanggit na lugar.
“The Holy Father will visit the countries upon invitation by the civil and local ecclesiastical authorities,” bahagi ng pahayag ni Bruni.
December 2 hanggang 4 mananatili ang pinuno ng simbahang katolika sa Cyprus na bibisita sa city of Nicosia habang sa Greece naman ng December 4 hanggang 6 kung saan bibisitahin ang Athens at ang isla ng Lesvos.
Matatandaang nitong Setyembre bumisita ang Santo Papa sa Hungary at Slovakia sa closing ceremony ng 52nd International Eucharistic Congress sa Budapest.
Sa mahigit 30 foreign trips mahigit na sa 50 mga bansa ang binisita ni Pope Francis mula nang maihalal na Santo Papa noong March 13, 2013.
Sa isang panayam noon ibinahagi ni Pope Francis na mahalaga ang kanyang mga pagdalaw sa mga bansa bilang pagtupad sa misyon ng Panginoon na ipalaganap ang Mabuting Balita sa buong daigdig at patatagin ang relasyon ng Vatican sa iba’t ibang mga bansa.
Samantala, tiniyak na Bruni na ilalabas sa mga susunod na linggo ang gawain sa apostolic trip ng Santo Papa.