1,092 total views
Mga Kapanalig, kailangan daw nating piliting pumasok sa paaralan ang mga bata upang hindi sila ma-recruit o sumama sa mga armadong grupo.
Ito ang sinabi kamakailan ni Vice President and Department of Education Secretary Sara Duterte. Sa isang pagtitipon sa Koronadal City, sinabi niyang ang pagkakaroon ng edukasyon ay isang paraan upang hindi maging vulnerable ang mga bata sa paggamit ng armas para labanan ang gobyerno.
Hindi na bago ang ganitong pananaw sa halaga ng edukasyon upang hindi magamit ang mga bata sa anumang uri ng karahasang pinalalaganap ng mga teroristang grupo o upang hindi sila maipit sa gitna ng giyera. Sa ikaapat na taóng anibersaryo ng pagsasabatas ng Republic Act No. 11188 o Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act (o CSAC Law) magandang alalahanin natin, lalo na ng ating pamahalaan, na ang mga bata ay tinatawag na mga “zones of peace.” Ibig sabihin, nasaan man sila, basta’t may bata, dapat unahin ang kanilang kapakanan sa pamamagitan ng laging pagpili sa kapayaan, lalo na sa mga sitwasyong may armadong alitan o armed conflict. Pero mahalaga ring tingnan ang mga probinsyon ng batas kung saan inaatasan ang ating pamahalaang gawin ang lahat ng paraan upang matiyak na hindi mahihikayat, hindi magagamit, o hindi maisasantabi ang mga bata sa panahon ng digmaan. Isa sa mga paraang nakikita ay ang pagkakaroon ng peace education program kung saan isinusulong ang kultura ng kapayaan at hindi paggamit ng dahas.
Maraming dahilan kung bakit may mga batang nahihikayat humawak ng armas o sumali sa mga armadong grupo. Ayon sa UNICEF, may mga batang tinatakot at pinipilit. Mayroon ding dahil sa kahirapan ay napipilitang sumapi sa mga armadong grupo upang kumita para sa kanilang pamilya. May iba namang napipilitang sumanib upang makaligtas sa gitna ng sagupaan.
Ang edukasyon ay karapatan ng bawat bata kaya’t dapat itong ibigay sa kanila. Ngunit bukod sa libre at dekalidad na edukasyon, kailangan din ng bawat pamilya ng hanapbuhay upang mabigyan ng magandang buhay ang mga bata at mailayo sila sa karahasan at paghawak ng armas. Batay sa survey na State of the Filipino Youth 2021 na ginawa Youth Leadership for
Democracy at Social Weather Stations, nangungunang layunin ng mga kabataan ang makatulong sa mga magulang at kapatid sa aspetong pinansiyal.4 Ibig sabihin, bukod sa edukasyon, inaalala ng ating mga kabataan ang makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya. Kung maibibigay ang edukasyon sa mga kabataan, at kalaunan ay magkakaroon ng hanapbuhay at kitang sapat para sa kanilang pamilya, maaaring mapigilan ang pagsali ng mga kabataan sa armadong grupo.
Gaya ng sabi ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Fratelli Tutti, hindi sa walang humpay na pananakot o kaya’y kawalang tiwala sa isa’t isa makakamit ang kapayapaan.5 Ang tunay na daan ay ang isang mundong kumikilala sa hindi maiaalis na dignidad ng bawat tao, kasama na ang dignidad ng bawat bata na naitataguyod sa pagbibigay sa kanila ng edukasyon. Ang mga bata ay maililigtas natin mula sa pagsanib sa mga armadong grupo kung mawawalan sila ng dahilang kumapit sa patalim at humawak ng armas kapalit ng pera. Dagdag pa ng Santo Papa, upang matiyak na tunay at pangmatagalan ang kapayapaan, kailangan ang pakikiisa at pagtutulungan ng lahat. Ito ay responsibilidad nating lahat bilang isang pamilya o “whole human family.”
Mga Kapanalig, gaya ng sinabi sa Roma 12:18, hangga’t maaari, gawin nating lahat ang ating makakaya upang mamuhay tayong mapayapa kasama ng kahit na sinuman. Kaakibat ng pagtatatag ng mapayapang lipunan para sa ating kabataan ang pagtitiyak na nakapag-aaral sila at may disenteng ikinabubuhay ang kanilang mga magulang.
Sumainyo ang katotohanan.