139 total views
Hindi sang-ayon ang dating mambabatas sa panukalang dagdag contribution ng Social Security System (SSS) sa kanilang mga miyembro.
Ayon kay Atty. Neri Colmenares, President National Union of People’s Lawyers, dagdag pasakit lamang sa mga miyembro ang dagdag singil na itinakda sa susunod na taon.
Paliwanag ni Colmenares, sakaling magtaas ng singil ang SSS ay aabot lamang sa P20-bilyon ang maidadagdag sa kanilang kita kaya’t mas dapat na tutukan ang pagpapabuti ng kanilang pangongolekta ng buwis na umaabot pa sa P302-bilyun ang singilin.
“Sinabi nila iyan sa kongreso noon. At ang sabi namin kasuhan ang mga employers na iyan. Siningil nila ang mga empleyado tapos hindi sila nagreremit sa SSS. So, magkano na ba ang nakolekta nila doon? Kasi kukuha pa sila ng P20-25-bilyun sa taas kontribusyon, pero ang collectible nila bilyon-bilyon ang hindi pa nila nakokolekta,” pahayag ni Colmenares sa Radio Veritas
Palaisipan kay Colmenares kung bakit mag-iinventory sa bagong koleksyon kung hindi naman nasisingil ng SSS ang luma.
Noong Enero, inihayag ng Pangulong Duterte ang karagdagang singil sa kontribusyon sa SSS kasabay na rin ng pagpapatupad ng P1,000 karagdagan sa pension ng mga retiradong manggagawa.
Base sa 2017 report, ang SSS ay may 34 na milyong miyembro o 34 percent mula sa kabuuang populasyon ng bansa.
Una na ring inihayag ng kaniyang kabanalan Francisco na mahalagang isaalang-alang sa pagbuo ng mga bagong programang pang-ekonomiya ang kabutihan ng mas nakakarami at hindi interes lamang ng iilan.