230 total views
Mga Kapanalig, sa utos na rin ng gobernador ng lalawigan ng Cebu, obligado na ang lahat ng mga driver at konduktor ng mga public utility vehicles (o PUVs) na magkaroon ng sariling air purifiers, isang device o gadyet na isinusuot na parang kuwintas at diumano ay naglalabas ng negative ions upang salagin ang mga air pollutants. Sa ilalim ng patakarang ito, ang lahat ng mga tsuper at konduktor ng pampublikong transportasyon ay dapat magsuot ng sariling air purifiers sa buong oras ng kanilang biyahe. Katulad ng inaasahan, maraming PUV drivers ang hindi nakabili kaya’t hindi nakabiyahe noong Agosto 16, ang unang araw ng pagpapatupad ng bagong patakaran.
Hindi inirerekomenda ng DOH ang mga air purifiers dahil sa kawalan ng ebidensyang nakapagbibigay ito ng proteksyon laban sa COVID-19 virus. Ayon sa tagapagsalita ng kagawaran, magdudulot ang paggamit nito ng false sense of security o ng maling kapanatagang kaya nitong proteksyunan ang isang tao laban sa kumakalat pa ring sakit. Nakabatay ang pahayag na ito ng DOH sa rekomendasyon ng Institute of Clinical Epidemiology sa Philippine COVID-19 Clinical Practice Guidelines na hindi sinasangayunan ang paggamit ng mga ionizing air purifiers.
Maliban sa hindi pa napatutunayan sa mga pag-aaral ang bisa ng mga de-kuwintas na air purifier laban sa coronavirus, magastos at hindi rin praktikal para sa mga tsuper ang gadyet na nagkakahalaga ng limandaan hanggang dalawang libong piso. Kailangan pa itong i-charge kaya gastos din sa kuryente. Para sa isang tsuper ng dyip na kumikita lamang ng 300 piso kada araw, ang halaga ng isang air purifier ay maituturing nang pantustos sa pangangailan ng pamilya. Sa kabila ng lahat ng ito, iginiit at idinepensa pa rin ng gobernador ng Cebu na magsisilbing karagdagang proteksyon ang air purifier laban sa virus.
Noong nakaraang taon, matatandaang ipinilit din ang paggamit ng takaw-aksidenteng plastic barrier sa mga motorsiklo upang maiwasan daw ang pagkakahawaan ng virus sa pagitan ng drayber at kanyang angkas. Ang patakarang iyon at bagong patakaran sa Cebu ay walang scientifc basis—hindi nakabatay sa siyensya. Hindi rin sila pinag-aralang maigi bago ipatupad lalo na’t dagdag-gastos ito sa mga gagamit. Para nga sa grupo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (o PISTON), dagdag-pahirap pa ito sa mga drivers at operators. Hindi nga ba’t dapat na inaalam munang maigi ng mga kinauukalan ang mga maaaring idulot na benepisyo at kapahamakan ng isang patakaran?
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pagdedesisyong may kinalaman sa pagbuo ng mga patakaran ay dapat nakabatay sa masinop na pagtitimbang sa mga maaaring panganib at benepisyong idulot ng mga ito. Mahalaga rin sa pagdedesisyon ang pagsasaalang-alang sa kaalamang nakabatay sa mapagkakatiwalaang datos at siyensya. Mahalagang ang ating mga lider ay naghahanap ng tunay, epektibo, at pangmatagalang solusyon sa krisis na kinakaharap natin ngayon dahil sila ang may pangunahing responsibilidad na tulungan ang mga sektor na nagpupursiging ibangon ang kanilang mga sarili at pamilya sa epekto ng pandemya.
Mga Kapanalig, maliban sa patuloy na pagsunod sa mga health safety protocols katulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas o pag-sanitize ng mga kamay, at physical distancing, epektibo rin ang pagpapabakuna, maigting at malawakang contact tracing, at libreng swab testing bilang mga kongkretong paraan upang sugpuin ang COVID-19. Para sa marami sa ating mga kababayan, malaking tulong din ang sapat na ayuda. Sa panahong lugmok sa kahirapang dala ng pandemya ang mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon, hindi na dapat sila ginigipit pa sa pamamagitan ng mga patakarang magdadagdag lamang sa bigat na pinapasan nila ngayon. Gaya nga ng sabi sa Kawikaan 22:23, hindi dapat sinasamantala ang kahinaan ng mahihirap.